Akala ayuda, ‘yun pala problema
- Editoryal
- Jun 15, 2020
- 1 min read
Kapag napag-uusapan ang relief goods, hindi maiwasang magkaroon ng pagkukumpara sa bawat barangay.
“Bakit sa kanila tig-isang sako ‘yung ipinamimigay na bigas? Bakit ‘yung sa kabilang barangay, anim ang de-lata, may corned beef pa? Bakit sa amin, dalawang sardinas na lang, bulok pa?
Naroon na tayo sa imbes na magreklamo, bakit hindi na lang magpasalamat dahil nakatanggap pa rin ng tulong. Pero, nauunawaan din natin na hindi ito maiwasan lalo’t kung sa Facebook account ni kapitan, eh, nakabalandra ang sako-sakong bigas at kahon-kahong de-lata na ipamumudmod kuno.
Napag-uusapan ang de-lata, ilang residente sa Lungsod ng Muntinlupa ang umano’y nag-aalala sa mga natanggap na relief packs.
Anila, ang mga nasabing de-lata ay hindi umano rehistrado sa Food And Drug Administration (FDA), subalit, bago pa nila nalaman ay may ilang nakakain na’t sumakit ang tiyan at sumuka.
Paliwanag ng FDA, hindi dumaan sa pagsusuri ng kanilang ahensiya ang nasabing mga de-lata na posible ngang magdulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Sa ganitong pagkakataon, batid natin ang kagustuhang makatulong subalit, kailangan din nating tiyakin na talagang tayo ay makakatulong at hindi makapagdudulot ng panibagong problema.





Comments