Norwood, nominado sa FIBA Dunk of the Decade
- A. Servinio
- Jun 12, 2020
- 2 min read

Inilunsad kahapon ng FIBA ang kanilang “Dunk of the Decade”, isang online contest kung saan nominado ang pambato ng Gilas Pilipinas na si Gabe Norwood ng Rain Or Shine. Pagkakataon ito para sa Pinoy Basketball fans na magpakita ng suporta sa pamamagitan ng pagboto sa opisyal na website ng FIBA.
Pinili ng FIBA ang dunk kontra Argentina noong 2014 FIBA World Cup sa Espanya. Galing sa agaw at pasa ni Jayson Castro, walang nagawa ang depensa ng NBA player na si Luis Scola sa taas ng talon ng rumaragasang si Norwood.
Ayon sa patakaran ng paligsahan, boboto ang mga fans sa pagitan ng dunk ni Norwood at Mitch Creek ng Australia kontra sa Chinese-Taipei noong nakaraang qualifier para sa 2019 FIBA World Cup sa Tsina. Matatapos ang botohan sa Hunyo 15 at ang makakakuha ng mas maraming boto ay tutuloy sa susunod na round kung saan itatapat ito sa magwawagi sa labanan nina Yi Lianjian ng Tsina at Finn Delaney ng New Zealand.
Ang iba pang mga Asyano na nominado ay sina Rui Hachimura ng Japan, Ahmad Al Dwairi ng Jordan, Norvel Pelle ng Lebanon at Arsalan Kazemi ng Iran. Kumuha ang FIBA ng 24 na iba pang dunker buhat sa Europa, Aprika at Amerika para mabuo ang 32 kalahok.
Kung patuloy ang panalo ni Norwood at mag-kampeon sa Asya, haharapin niya ang kampeon ng Amerika sa Final Four o semifinals. Ang maaari niyang makatapat ay sina James Harden, Jaylen Brown at Alfonzo McKinnie ng Estados Unidos, Rafael Mineiro ng Brazil, Kelly Olynyk ng Canada, Braian Angola ng Colombia, Juan Toscano ng Mexico at Ramon Clemente ng Puerto Rico.
Sa kabilang bracket ay ang mga kinatawan ng Europa na sina Giannis Antetokoumpo ng Gresya, Luka Doncic ng Slovenia, Kristaps Porzingis ng Latvia, Rudy Gobert ng Pransiya, Rudy Fernandez ng Espana, Nikola Kalinic ng Serbia, Daniel Theis ng Alemanya, Ivan Tkachenko ng Ukraine. Ang mga kinatawan ng Aprika ay sina Chimezie Metu, Ike Nwamu at Michael Gbinije ng Nigeria, Maurice Ndour at Youssoupha Ndoye ng Senegal, Guy Edi ng Cote D’Ivoire, Salah Mejri ng Tunisia at Carlos Morais ng Angola.
Ang mga dunk na nominado ay limitado lang doon sa mga ginawa sa mga torneo ng FIBA. Hindi kasama ang mga dunk sa mga liga tulad ng NBA at PBA.





Comments