Lalaya rin tayo mula sa virus, ‘wag nang pasaway
- Editoryal
- Jun 12, 2020
- 1 min read
Ngayon ay ika-122 anibersaryo ng Kalayaan at ang tema ay “Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malaya, Nagbabayanihan, at Ligtas”.
Malaya. Sa kabila ng ipinatutupad ng community quarantine, marami sa ating mga kababayan ang hindi naman nagpapigil sa pagpapahayag ng kanilang saloobin sa bawat kaganapan sa paligid. Bawal lumabas pero, puwedeng mag-post sa social media. Tila ito ang naging salamin ng lipunan. Bantay-sarado ang mga ipinatutupad na batas, huli ang mga pasaway.
Nagbabayanihan. Likas sa Pinoy ay pagtutulungan — mahirap, maykaya o mayaman. Sa anumang paraan, hindi nawawala ang pag-alalay sa kapwa. Maraming barangay ang nagpatunay na sa kabila ng pagsubok, walang ibang magdadamayan kundi ang magkakapitbahay.
Sa gitna ng lockdown, walang tigil ang daloy ng tulong. Halos araw-araw ay may pamiryenda, pabigas at de-lata. Ganundin sa oras ng mas matinding pangangailangan. May mga handang magbuwis ng buhay para makapaglingkod sa bayan — saludo tayo sa ating magigiting na frontliners!
Ligtas. Ito ang inaasam nating patunguhan. Marami nang namatay dahil sa COVID-19 at meron pa ring nakikipaglaban. Nawa’y makamit na natin ang kalayaan mula sa nakamamatay na virus na ‘to. Sana ay sapat na ang mga araw na tayo ay natakot at natuto.





Comments