top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Solusyon sa paglaganap ng nakamamatay na virus ang dapat unahin, hindi ang pagpatay sa demokrasya!

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Jun 11, 2020
  • 3 min read

Ilang buwan na natin idinarasal ang Oratio Imperata laban sa paglaganap ng COVID-19.

Ilang buwan na rin halos walang tao sa maraming simbahan dahil nilimitahan lamang ang bilang ng maaaring magsimba. Nagkaroon pa ng mga panukalang malayung-malayo sa katotohanan tulad ng sampu lamang ang puwedeng magsimba sa alinmang simbahan.

Ano’ng ibig sabihin ng sampung tao sa loob ng Simbahan ng Baclaran na kayang paupuin ang libu-libong katao na tulad din sa Simbahan ng Nazareno sa Quiapo?

Sa tingin natin ay kailangan pa ring pag-isipan ang mga ganitong panukala kahit na sa maliliit na kapilya na kayang magpaupo sa 30 hanggang 50 katao.

Ang kailangang gawin ay pigilan ang paglaganap ng nakamamatay na virus at hindi ang pagnanais ng marami na manalangin sa loob ng simbahan. Nagdaan ang mahigit tatlong buwan nang tuluy-tuloy na pagdasal ng Oratio Imperata laban sa COVID-19 at tiyak nating nakatulong ito sa mga nagdarasal at sa lahat ng nangangailangan ng panalangin tulad ng mga frontliners, pasyente ng COVID-19 o iba pang sakit at mga nagku-quarantine.

Subalit, nadagdagan noong nakaraang araw ang ating dapat ipagdasal. Sa pagpasa sa Kongreso ng Anti-Terrorism Bill, nanganganib ang demokrasya. Dahil pahihintulutan ng nasabing batas na arestuhin at sabihang “terorista” ang mga nagrereklamo at nagpapahayag ng kanilang isipan at saloobin laban sa gobyerno.

Ano ang mangyayari sa ating kalayaan at karapatang mag-isip, mangarap, magreklamo at tumuligsa ng mali? Sa halip na sikaping palaganapin ang liwanag ng katotohanan at ang liwanag ng kalayaan, napakaraming mambabatas ang tila hindi nababahala sa kanilang pagiging kasangkapan ng kadiliman. Kaya, heto ang isa pang panalangin para hindi tayo tuluyang lumubog at mabalot ng nalilito, nakaanghihina, humahati at pumapatay na kadiliman:

Panalangin laban sa kadiliman at kasamaan

Makapangyarihang Ama ng buhay at kalayaan, nalulugmok ang marami sa amin sa takot at pangamba dahil sa panganib ng COVID-19 virus.

Ngunit kami ngayon ay muling binalot ng isa pang kadiliman, ang pagpasa ng Kongreso sa Anti-Terrorism Bill.

Wala pang COVID-19, subalit naririto na po ang tokhang at ang extra-judicial killings.

Matagal nang madilim sa aming bansa.

Matagal nang dumadanak ang dugo—ng maraming maliliit at mahihirap naming kababayan na

pinaghinalaan at pinaratangang sangkot sa ilegal na droga.

Walang tama at makatarungang prosesong sinusunod, basta dinudukot at pinapatay na lamang, at sa kapirasong kartong inilalapat sa mga dibdib at sinusulat, “pusher ‘wag tularan.”

Mahigit 30, 000 ang namatay na sa ganitong karahasan habang libu-libo na ang namatay sa COVID-19.

Ano ba sa dalawa ang higit na mapanganib?

Malinaw ding nanganganib ang aming soberanya dahil sa walang habas na panghihimasok ng China sa iba’t ibang lugar, antas at paraan.

Katatapos lang ng Pista ng Pentekostes.

Ipagkaloob po ninyo sa amin ang Inyong liwanag na gagabay sa amin sa gitna ng kasalukuyang kadilimang pumapatay.

Gisingin at pag-isahin po Ninyo ang aming nalilito, natatakot, nahahating bansa.

Ibigay po Ninyo ang ibayong tinig sa aming lahat lalo na sa may tungkuling ipahayag ang katotohanan at ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihina at mahihirap naming kababayan.

Ipagkaloob po Ninyo sa amin ang Lakas na labanan ang

anumang mali, hindi makatarungan, hindi totoo, hindi maka-tao, hindi maka-kalikasan,

hindi maka-Pilipino at hindi maka-Diyos.

Ibalik po Ninyo ang liwanag at kapayapaan sa aming bansa.

Amen.

Maria, Ina ng mga Dukha, Ipanalangin mo kami.

San Lorenzo Ruiz, Ipanalangin mo kami.

San Pedro Calungsod, Ipanalangin mo kami.

San Oscar Romero, Ipanalangin mo kami.

Amen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page