Pormula ng pagpapayaman, ‘di basta-basta dahil may mga dapat pang gawin
- Sr. Socrates Magnus II
- Jun 10, 2020
- 2 min read
Bigyang-daan natin ang ilang bagay na puwedeng isabuhay ngayon at pagkatapos ng COVID-19 pandemic.
Ipagpatuloy natin ang sikerto ng tagumpay na kailangang isabuhay ng bawat isa, may COVID-19 man o wala na.
Ito ay ang “Paramihin mo ang kung ano ang nasa iyo.” Hindi ito simpleng pormula ng pagpapayaman pero ang mga nagsiyaman na at yumayaman pa ay nagsasabuhay nito.
Sa susi ng tagumpay na ito, may mga secondary formula na nakaugnay at ito ay ang mga sumusunod:
Maging masinop. Lahat ng mayaman ay masinop. Ang totoo nga, ang maisnop ang umaasenso, habang walang magandang nangyayari sa buhay ng mga hindi masinop. May mga nagsiyaman at umasenso rin naman, pero dahil hindi sila naging masinop, ang kanilang yaman ay nawala nang tuluyan. ‘Yun nga lang, natikman din nila ang buhay-mayaman, kaya lang, may isa pa silang naranasan at ito ay ang pagsisisi dahil hindi sila naging masinop kaya mahirap pa sila sa daga.
Isabuhay ang pagtitipid. Muli, lahat ng mayaman ay matipid at ang nagtitipid ay mas malamang na yumaman kaysa sa taong hindi matipid.
Ang pagkakaiba ang masinop at matipid. Sa una, ang taong masinop ay ginagamit ang puwede pang gamitin kahit luma na o wala sa uso. Pinahahalagahan din niya ang mga bagay na nasa kanya at buo pa dahil ang mga ito ay puwede pa niyang pakinabangan. Ang totoo nga, kahit sira na o may diperensiya, itinatabi pa rin niya ito dahil alam niyang puwede pang ibenta o gawing pera. Ganyan ang mind set ng taong masinop. Ang salitang masinop ay mas iniuugnay sa bagay. Samantala, ang matipid ay para sa basic needs. Titinipid ang bigas o pagkain, ibig sabihin, sila ang taong hindi bongga sa pagkonsumo ng hawak nilang mga pangangailangan.
Ang pagtitipid ay numero-unong iniiugnay sa pera kaya kapag sinabing matipid, agad na papasok sa isip ay matipid sa paggastos. Ang taong matipid ay agad na huhusgahan na magsisiyaman. Gayundin, tatawagin na silang may pera o laging may pera at masasabi na rin na sa kanilang matipid na pamumuhay, sila ay mayaman na.
Hindi puwedeng yumaman ang mga negosyanteng hindi matipid. Bagama’t may nakikita tayong mga negosyante na hindi matipid, tiyak na bukas-makalawa ay bagsak na ang kanilang negosyo. At kahit magpaulit-ulit silang magnegosyo, ganu’n pa rin ang mangyayari kapag hindi sila matipid—bagsak nang bagsak ang kanilang mga negosyo.
Itutuloy




Comments