Alamin: Mga pagkaing dapat iwasan upang hindi magkaroon ng kabag
- Shane Ludovice
- Jun 9, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Hirap akong makatulog dahil madalas akong kinakabag. Ano ba ang sanhi nito at ano ang maaari kong gawin upang mawala ito? – Samuel
Sagot
Sa kondisyon na kabag o gas pain, ang tiyan ay napupuno ng hangin. Karaniwan ding reklamo ng mga pasyente ang pakiramdam na tila parati silang busog at wala nang lugar pa upang malamnan ng bagong pagkain ang kanilang tiyan.

Mapapansin din na ito ay nagiging hugis pabilog at mas malaki kaysa sa normal (distended stomach). Kadalasan, nakararanas ng kabag ang tao dahil sa mga uri ng pagkaing kanyang kinakain.
Mga sanhi:
Pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa carbohydrate tulad ng artichoke, pea, asparagus, kabute, bawang, sibuyas, barley, rye at wheat.
Pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Ang mga pagkaing mayaman sa fiber ay kadalasang nakatutulong upang mapadalas ang pagdumi at makaiwas sa kabag. Subalit, ang mga soluble fiber na uri ay maaaring magdulot ng labis na hangin sa tiyan, tulad ng cereal, bawang, sibuyas, wheat, saging at iba pa.
Pagkonsumo ng matatamis na pagkain at inumin. Halimbawa ay ang corn syrup, mansanas, mangga, pakwan, cherry, peras, mga soft drink, at iba pa.
Pagkonsumo ng mga dairy product, tulad ng gatas ng baka, yogurt, keso, krema, sorbetes, butter, custard at pudding.
Pagkonsumo ng mga pagkaing mamantika, tulad ng pritong manok, hamburger, French fries at iba pang pagkain na piniprito o ginagamitan ng mantika.
Pagkonsumo ng softdrink. Ang pag-inom nito sa pamamagitan ng straw ay maaaring maging dahilan upang makahigop ng labis na hangin papunta sa iyong tiyan.
Labis na pag-inom ng alak. Ang labis na pag-inom ng alak ay nagdudulot ng pangangasim sa sikmura. Dahil dito, ang mga lining ng bituka ng tiyan ay maaaring mapinsala at makaranas ng pamamaga. Sa pamamaga ng mga bituka, maaaring pamahayan ito ng mga bakterya, impeksiyon sa tiyan at magresulta sa kabag.
Labis na paninigarilyo. Ang paghithit ng sigarilyo ay sanhi upang makahigop ng labis na hangin sa tiyan. Bukod dito, ang nicotine at ibang mga sangkap sa sigarilyo ay nakapagdudulot ng pagkairita sa mga bituka, pamamaga, pananakit ng tiyan at kabag.
Pagreregla. Maaari ring magdulot ng kabag ang pagreregla, dulot ng pagbabago ng dami ng mga hormone sa katawan na tulad ng estrogen at progesterone.
Hindi regular na pagdumi o pagkakaroon ng sobrang tigas na dumi. Dahil hindi makadumi nang maayos ang pasyente, ang ibang dumi ay naiiwan sa tiyan at nagdudulot ng kabag.
Iba pang karamdaman. May mga karamdaman sa gastrointestinal tract na maaaring magdulot ng kabag. Halimbawa ay ang pagkakaroon ng impeksiyon sa tiyan, irritable bowel syndrome (IBS), inflammatory bowel disease, Celiac disease, gastroparesis, kanser sa tiyan at iba pa.
Bukod sa mga uri ng pagkain, maaari ring magkaroon ng sobrang hangin ang tiyan sa paraan ng iyong pagkain at kung gaano karami ang iyong kinakain. Kung sobrang bilis kumain, maaaring makakuha ng labis na hangin.
Gayunman, upang malunasan ang kondisyong ito, maaaring uminom ng mga gamot, maglagay ng heat pad sa tiyan at uminom ng maraming tubig. Subalit kung ang kabag ay dulot ng ibang karamdaman, iminumungkahi na magpakonsulta sa doktor upang malapatan ito ng tamang lunas.
Comentarios