top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga pasaway na barangay officials, dapat lang tuluyan!

Editoryal
Jun 4, 2020
2 min read

Kasabay ng paghahanda para sa pamamahagi ng ikalawang bugso ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), umarangkada na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng barangay na kapalmuks.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), 301 na mga opisyal ang nasampahan na ng reklamo sa Department of Justice (DOJ). Pinakamarami ay pawang mga kapitan at kagawad, mayroon ding naireklamong barangay secretaries, health workers, treasurers, SK chairman at iba pa. Aba, kumpleto ang tropa, ang titindi n’yo po!

Reklamong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices, RA 11469 o Bayanihan to Heal as One Act at RA 11332 o Law on Reporting of Communicable Diseases ang isinampa laban sa mga opisyal. Sa dami ng kasong ‘yan, tumatag na kayo.

Unang-una, kayo ay pinili ng inyong mga kabarangay dahil naniniwala at nagtitiwala sila sa inyo bilang kanilang kinatawan. Hindi nila kayo pinilit na tumakbo noong halalan, kayo ang todo-suyo para iboto. Kapalit ang sinasabi ninyong tapat na paglilingkod.

Ngayon, nasa gitna tayo ng pandemya, anyare? ‘Yung relief goods na naka-repack na, ni-repack pa ulit? May ibang sumbong na ultimo anino ng bigas at delata ay walang nakarating. Isa pang matindi, ‘yung cash assistance na para sa mahihirap na pamilya, may ‘cut’ n’yo pa?!

Ano’ng klaseng public servant ang gagawa nito sa panahon na ‘ika nga ay buwis-buhay ang lahat? Marami ang walang trabaho, halos walang makain, nasa paligid ang banta ng nakamamatay na sakit pero si ‘Kap’ at kanyang mga alipores, hayahay!

Talagang hindi dapat palagpasin ang mga nang-abuso. Tuluyan ang mga dapat tuluyan nang hindi na pamarisan. Tayo namang botante, sana’y matuto na rin tayo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page