Maaari bang ipaupa sa iba ang isang kuwarto ng inuupahang bahay?
- Persida Acosta
- May 30, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Dalawang taon na kaming nangungupahan ng aking asawa sa Metro Manila. Nagbabayad kami ng Php9,000 kada buwan. Naisipan naming ipaupa sa mga college student ang isang kuwarto ng nasabing bahay sapagkat pansamantalang nawalan ng hanapbuhay ang aking asawa. Walang nakasaad sa aming kontrata na ito ay ipinagbabawal ng may-ari. Nais sana naming malaman kung maaari ba namin itong gawin. – Kliana
Dear Kliana,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 9653 o mas kilala sa tawag na “An Act Establishing Reforms in the Regulation of Rent of Certain Residential Units, Providing the Mechanisms Therefor and for Other Purposes.” Nakasaad sa Section 8 nito na:
“Section 8. Assignment of Lease or Subleasing. Assignment of lease or subleasing of the whole or any portion of the residential unit, including the acceptance of boarders or bedspaces, without the written consent of the owner/lessor is prohibited.
Section 9. Grounds for Judicial Ejectment. Ejectment shall be allowed on the following grounds:
Assignment of lease or subleasing of residential units in whole or in part, including the acceptance of boarders or bedspaces, without the written consent of the owner/lessor. xxx” (Binigyang-diin)
Samakatwid, malinaw na ipinagbabawal ng nasabing batas ang pagpapaupa sa inyong inuupahang bahay o kahit anong bahagi nito sa ibang tao nang walang nakasulat na pahintulot mula sa tunay na may-ari ng bahay. Kapag ang nangungupahan ay lumabag dito, maaaring ito ay maging dahilan upang siya ay mapaalis ng may-ari ng bahay sa pamamagitan ng judicial ejectment.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments