top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Panahon na para ibalik ang public works at iba pang priority projects para mapalakas ang ekonomiya

  • Bong Revilla
  • May 29, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Mula noong nagdaang Marso 15, nang sumailalim ang ating bansa sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay hindi maitatangging bumulusok ang ating ekonomiya dahil sa nais ng ating pamahalaan na mailigtas ang ating mga kababayan.

Buong mundo ang nagimbal at bukod sa napakarami ng nasawi ay halos sabay-sabay na naapektuhan ang ekonomiya ng mga bansa at ngayon pare-parehong nagkukumahog para makabawi at makaahon.

Ngunit ngayong Hunyo 1 ay isasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR) at ang ilang malaking bahagi ng bansa ibig sabihin magkakaroon ng bahagyang pagbabago.

Kaya pinupursige ko agad ang pamahalaan na ibalik sa lalong madaling panahon ang public works at iba pang priority projects para mabilis na makaahon ang ekonomiya ng bansa dahil hindi biro ang tatlong buwang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Naglaan ng P1 trilyong piso ang ating gobyerno para sa mga proyektong saklaw ng ating bisyon tungo sa “Golden Age of Infrastructure” na labis na nakahihinayang kung patuloy na maaantala.

Halos maubos na ng local government units ang 20 percent local development fund dahil sa walang humpay na paglaban sa COVID-19 kaya ang national government na lamang ang may kapasidad para tustusan ang public works.

Noong i-release ng Department of Interior Local Government (DILG) ang kanilang Joint Memorandum Circular No. 1 s. 2020, agad na tumalima ang ating mga LGU sa paggamit ng kanilang local development fund para sa procurement ng personal protective equipment, disinfectant tents, COVID-19 testing kits, hospital equipment at supplies.

Hindi lang ‘yan kasi pati pagkain, transportasyon at matutuluyan ng medical personnel at iba pang frontliners ay sinagot lahat ng LGU’s at dahil sa haba ng lockdown ay marami ang paubos na talaga.

Ang national government na lang ang may kakayahan magpatupad ng public works. Ang pagbuhos ng kapital at trabaho na mabubuo ng proyektong ito ay lubhang kailangan para maiangat ang ekonomiya at simula na ito ng pag-usad.

Kaya kailangan na talagang apurahin ng gobyerno para ibangon ang nakapako nating ekonomiya, mahirap nang mapag-iwanan tayo ng ibang bansa na kasalukuyang dumideskarte na para makabangon.

Dalawang linggo na ang lumipas mula nang ilabas ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Resolution No. 34 na nagbibigay sa Construction Safety Guidelines para sa pagpapatupad ng proyektong imprastraktura sa gitna ng pandemya, ngunit ang konstruksiyon ay nananatiling suspendido.

Wala nang iba pang tamang panahon para ituloy ang public works kung hindi ngayon, dahil nasa panahon na tayo ng “new normal” sa ating pamumuhay kailangan na nating magsimula para maiwasan ang pagmamadali at walang kabuluhang pagkakantala.

Bukod pa sa uusad na ang ating imprastraktura ay maraming mga kababayan pa natin ang magbabalikan na sa trabaho partikular ang maraming construction worker na halos magpalimos na ang ilan dahil wala nang makain.

Sana umaksiyon agad ang pamahalaan para hindi mangyari na sabay-sabay bumagsak ang mga bansa pero naiwan tayo sa kangkungan samantalang nakabalik na ang marami sa pag-unlad.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page