top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Nilinaw ng DOH... Bagong kaso ng COVID-19 kahapon, 109 lang hindi 539

  • Madel Moratillo​
  • May 29, 2020
  • 2 min read

Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi lumala ang sitwasyon ng COVID-19 infection sa bansa.

Ipinaliwanag ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire na walang dapat ipangamba ang publiko sa naiulat nila nitong Mayo 28 na may 539 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Vergeire, hind lahat ng 539 cases na ito ay bago.

Katunayan, 109 lamang aniya rito ang maituturing na "fresh cases", habang ang mahigit 400 naman na balanse ay mga kasong lumabas noong nakaraang linggo pa pero late lang naisumite ang laboratory result sa DOH.

Kapag kasi aniya late naisumite ang datos sa DOH ay natatagalan ang proseso bago ito i-report sa publiko para sa official count dahil kailangan itong dumaan sa validation process ng epidemiology bureau upang masiguro na walang double reporting na mangyayari.

"Hindi nangangahulugan na lumala ang COVID situation sa buong bansa. Out of the 539 cases 109 lang ang fresh cases. Ang fresh case ay mga kaso na kalalabas lamang ng laboratory result sa nakalipas na 3 araw. Sila ngayon ay kino-contact trace, isolate at treat na natin," pahayag ni Vergeire.

Maging sa mga inire-report aniya ng DOH na bilang ng nasasawi dahil sa COVID-19 ay hindi naman nangangahulugan na nasawi ito sa loob lamang ng isang araw.

"Sa mga namatay naman 17 ang ni-report kahapon. Pero hindi ibig sabihin kahapon lang sila namatay. Ang iba sa kanila Marso at Abril pa namatay. Kung pagbasehan date of death at hindi ang death reported. Noong March 31 naitala ang pinakamaraming namatay na umabot sa 30."

Kasabay nito, sinabi ni Vergeire na asahan pa ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na kanilang ire-report sa mga darating na araw.

Ito ay dahil sa mas bumilis na ang kanilang sistema sa validation na mahalaga upang hindi magkaroon ng double reporting ng mga kaso.

Noon kasi aniya ay nakasalalay sa bilis ng pagre-report ng mga ospital at lokal na pamahalaan ang bilis ng proseso ng validation sa mga bagong kaso ng COVID-19.

Kasabay nito, inanunsiyo ni Vergeire na babaguhin na ng DOH ang paraan ng kanilang pagsasapubliko ng mga kaso ng COVID-19 infection sa bansa.

"Simula ngayong araw magbabago na ang paraan ng pagre-report namin ng mga kaso. Kung noon ay simpleng bilang lang, simula ngayon hahatiin na ang mga numero para ipakita kung alin dito ang fresh o newly validated at ihihiwalay ang late o delayed reporting. Nauunawaan namin hindi ito madaling intindihin. Batid namin na ang pagiging teknikal ng mga numero ang maaaring isa sa dahilan ng hindi pagkaunawaan na magdulot ng takot na baka bumalik sa ECQ," pahayag ni Vergeire.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page