AI AI, MINURA AT TINAWAG NA BOBO, KABABAYANG TITSER, INIREKLAMO SA ISKUL
- Vinia Vivar
- May 28, 2020
- 3 min read

Inireklamo ni Ai Ai delas Alas ang isang guro sa Lipa City dahil sa pamba-bash sa kanya sa social media kung saan tinawag siyang “bobo” dahil sa post niya recently hinggil sa Korean drama ni Lee Min Ho na The King: Eternal Monarch.
Matatandaang inihayag ni Ai Ai ang kanyang opinyon tungkol sa nasabing K-drama. Para sa Comedy Queen ay “hindi kagandahan” ang comeback project ni Lee Min Ho. Ikinagalit ito ng mga fans ng aktor at talagang katakut-takot na pamba-bash ang ginawa nila sa komedyana.
Pero may isang sinagot si Ai Ai at ito nga ang isang guro na nagngangalang Noel de Ocampo.
Nagpadala siya ng formal letter sa paaralang pinagtatrabahuhan nito at inihayag ang kanyang reklamo.
Ayon sa reklamo ni Ai Ai, ang comment ng guro ay out of context, personal, irresponsible at malicious. The Comedy Queen also demanded a public apology from the teacher.
Kaagad namang sumagot ang guro via formal letter din at nag-apologize sa kanya.
Ipinost ni Ai Ai ang kanyang sulat, pati na rin ang ipinadalang apology letter ng paaralan na may pirma ng guro sa kanyang Instagram account. Naka-screenshot din ang pamba-bash sa kanya ng teacher sa Facebook.
Sa mahabang caption ay ipinahayag ni Ai Ai ang sama ng loob na mismong mga kababayan pa raw niya ang nagmura at nanlait sa kanya dahil sa kanyang opinyon sa isang Korean drama.
“Una sa lahat, hindi ko alam bakit umabot sa ganito ang mga ugali ng mga tao sa panahon ngayon.
Sa 30 years ko sa industriya ng telebisyon at pelikula, hindi ko inaasahan na makakaranas ako ng ganitong pambabastos nang dahil lamang sa nanood ako ng K-drama na hindi naaayon sa aking panlasa...pagmumura ng mga kabataan at pambabastos ng mga tao at maging ng isang guro na dapat ay maging isang ehemplo para sa kabataan.
“'Di ba, nakakatawa mang isipin na ang palabas na ito na The King ay nakakuha ng all-time low ratings, ayon sa Soompi (Korean website), meaning pati mga Koreans ay marahil hindi rin nagustuhan ang palabas na ito.
“Nalungkot lang ako dahil mga kababayan ko pa ang nagmura at nilait ako at tinawag ng kung anu-ano... mga kababayan kong kahit papa'no sa 30 taon ko sa telebisyon at pelikula ay napangiti o napatawa ko sa munti kong kakayahan sa pagpapatawa na talentong bigay ng Panginoon sa akin..
Ngunit nang dahil lamang sa K-DRAMA na ito ay tinawag nila akong bobo, walang alam, walang kuwentang artista......
“Bilang isang ina, tinuturuan ko ang mga anak ko na maging magalang sa mga tao lalo na sa mga nakakatanda sa kanila. Pero tinuruan ko rin sila na lumaban nang patas lalung-lalo na kung sila ay naaapi.
“Nakakatawa nga kasi hindi nila sinusunod 'yung advice ko. Hinahayaan nila ang mga taong umaapi sa kanila, pero pagdating sa mga bashers ko, du'n lang sila nagsasalita.
“At proud ako kasi hindi sila sumasagot nang bastos, they can still objectively participate in arguments… (sana ang kabataan ay ganito rin, pero sa panahon ngayon ay ginagamit nila ang social media upang mailabas ang kanilang saloobin nang taliwas sa magandang asal at pag- uugali ng isang tao..)
“Sana, maging aral ito sa mga cyber bullies. Maaari naman kayong mag-voice-out ng opinyon or pakiramdam at saloobin, pero hindi n'yo kailangang murahin at durugin ang pagkatao ng isang tao, tao na wala namang ginawa sa inyo kundi maglahad ng kanyang opinyon sa palabas na hindi n'ya gusto (iba rin ito sa pagkakaintindi n'yo na hindi ko naintindihan). Sana rin, respetuhin n'yo lahat ng tao sa industriyang kinagagalawan namin. Hindi natin alam ang mga pinagdaraanan ng bawat isa, kaya dapat, we think before we click. GOD BLESS,” ang buong nilalaman ng caption ni Ai Ai.





Comments