Iba pang bagay na dapat paghandaan bukod pa sa COVID-19
- Bong Revilla
- May 27, 2020
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Sa gitna nang pakikipagsagupaan natin sa COVID-19 ay inabot na tayo ng panibagong pakikibaka na dapat nating paghandaan dahil papasok na ang tag-ulan.
Hindi dapat bumitaw sa seryosong alituntunin na ipinatutupad ng pamahalaan upang hindi tayo mahawa ng COVID-19 ngunit huwag nating ipagwalang bahala ang mga paparating na kalamidad.
Nagbabala na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Space Administration (PAG-ASA) na mahigit sa 20 bagyo ang taun-taong nananalasa sa ating bansa.
At nauna na ang Bagyong Ambo na tila kulang o hindi talaga napaghandaan dahil masyado tayong nakatutok sa kasalukuyang pandemya na patuloy sa pagkitil sa buhay ng marami.
Sa katunayan ay napakalaki ng pinsala nito sa Eastern Samar, maraming bahay at mga pananim ang winasak ng naturang bagyo at umabot sa 47,000 pamilya ang inilikas dahil nawalan sila ng tirahan.
Ngayon tiniyak ng PAG-ASA na paparating na ang tag-ulan na posibleng sa katapusan ng buwang ito o sa unang linggo ng Hunyo ay magsisimula na tayong makaranas ng ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.
Sanay naman tayong mga Pinoy sa ganitong uri ng sitwasyon ngunit kakaiba ang sitwasyon ngayon dahil sinasabayan natin ito ng dobleng pag-iingat kasabay nang madalas na paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng facemask at pagsunod sa physical distancing.
Lalo pa’t sa sunud-sunod na pag-ulan ay kasunod nito ang mga pagbaha sa iba’t ibang lugar kung saan ay kaakibat nito ang pagsulpot ng maraming mga sakit na nakamamatay.
Isa sa mga dapat bantayan ay ang leptospirosis na palaging kasabay nang pagbaha lalo pa at maraming walang sasakyan ang naglalakad ngayon at inaasahang mauubligang tumawid sa mga kalsadang lubog sa baha.
Alam naman ng marami na ang leptospirosis ay nakukuha sa baha na kontaminado ng ihi ng daga at kapag ang isang tao ay may sugat sa paa ay mabilis na pinapasok ng virus at dito nagsisimula ang pagkakaroon ng leptospirosis.
Noong nakaraang taon ay umabot sa 1,030 ang naitalang kaso ng leptospirosis at 93 sa mga ito ay binawian ng buhay kaya karagdagang pag-iingat pa ang kailangan.
Kaya ko isinulat ang paksang ito dahil sa labis akong nag-aalala sa mga sintomas ng mga sakit dahil bukod sa leptospirosis ay nand’yan ang dengue, malaria at ibang sakit na matapos ang ilang araw ay nagpapakita rin ng mga sintomas.
Tulad ng lagnat, ubo, sipon, nahihirapang umihi, paninilaw ng balat, pamumula ng mata at iba pa na posibleng ipagkamali ng ilan nating kababayan na sintomas ng COVID-19.
Kaya makabubuting maging alerto at ngayon pa lamang ay alamin na ang mga sintomas ng bawat sakit upang hindi tayo malito sa oras na dumating na ang tag-ulan dahil nakakapangamba ring magtungo sa mga pagamutan dahil sa dami ng ginagamot na pasyente ng COVID-19.
Ibayong pag-iingat ang aking pakiusap sa ating mga kababayan upang hindi na tayo umabot sa puntong tayo ay naghihingalo at dapat nang isugod sa ospital para makaligtas.
Huwag nating balewalain ang bawat banta sa ating kalusugan dahil agad na sinusunog ang mga namamatay sa panahong ito at marami ang hindi na naibuburol.
Tandaan natin ang new normal na kasabihan –“Pasyal now, abo later”.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments