JOSHUA, AMINADONG PINAGMUMURA NG DIREKTOR DAHIL BANONG UMARTE
- Julie Bonifacio
- May 25, 2020
- 3 min read

Binalikan ni Joshua Garcia ang mga alaala noong nagsisimula pa lang siya bilang artista ng ABS-CBN sa online fundraising event na #ExtendTheLove Actor's Cue sa Facebook page ng multi-awarded director na si Adolf Alix, Jr. kamakailan.
Hindi raw ini-expect ni Joshua na magkakaroon siya ng trabaho paglabas niya ng Pinoy Big Brother house.
"Akala ko paglabas ko ng 'bahay' (PBB house), uuwi na lang ulit ako ng Batangas. Ganoon na lang. Pero ayun, dumating ang mga opportunity. May show agad ako paglabas ng bahay. Tapos, ‘yun, hindi ako handa. Akala ko, kapag may show, parang sabak ka na lang. Hindi ako nag-workshop nu'ng time na ‘yun," kuwento ni Joshua.
Pero ang dami raw agad niyang natutunan noong baguhan pa lang siya. At isa sa early projects niya ay ang Barcelona movie nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa direksiyon ni Olivia Lamasan.
"Actually, ‘yung Barcelona ‘yung parang naging pinakamalaking achievement sa buhay ko sa showbiz. Simula nu'n, nagkaroon ako ng solo projects."
Pinag-igihan pa raw lalo ni Joshua ang kanyang pag-arte sa pelikula, malaki o maliit man ang kanyang role. At tulad ng ibang artista, nakaranas din daw si Joshua ng 'mura' sa kanyang direktor.
"Kumain ako ng maraming mura noon. Umabot ako noon sa 22 takes. Pagkatapos, ‘yun ‘yung first teleserye ko, Nasaan Ka Nang Kailangan Kita with Ms. Vina Morales. Pinagmumura ako ng direktor, eh. Uh, siyempre, wala pa po akong masyadong alam sa akting. Uh, ‘yung mga inabot ko, mura, ‘yun ‘yung naging dahilan bakit ako nag-workshop din. Parang ayoko rin na mukhang tanga ako sa set. Nakakahiya sa mga co-actors ko."
Kaya nu'ng ginawa na niya ang Barcelona ay nagseryoso na talaga si Joshua sa pag-arte.
"Kasi after po ng Barcelona, nagpa-workshop ako sa Star Magic. Pero inilagay po nila ako doon sa mga artists. May mga kasama ako na mga artista. Tapos, medyo hindi ako na-challenged. 'Yung sarili ko, hindi ako na-challenged. So, sinabi ko kay Direk Rahyan (Carlos, head ng Star Magic workshops), ‘Puwede po ba akong mag-apply sa public?’"
Pinayagan naman daw si Joshua at doon ay marami raw siyang nadiskubre.
"Pagdating ko roon sa public, nakita ko kung gaano kagutom lahat na maging artista. Uh, ang gagaling nila at ang dami kong natutunan sa kanila. Tapos 'yun, dumating po 'yung Barcelona. Doon ko po na-apply lahat ng mga natutunan ko.
“Tapos after po ng Barcelona, binigyan po nila ako ng project na solo na ang bibida, ako. ‘Yun po ‘yung Vince, Kath & James. At sabi ko talaga, bibigyan ko ‘yun. Huhusayan ko kasi first na naging lead ako sa isang movie."
At kung si Daniel Padilla ay nakatikim ng 'baptism of fire' sa showbiz kay Mylene Dizon, si Joshua naman ay natulala habang kaeksena si Eula Valdez sa teleserye nilang The Good Son.
"Sobrang galing na kaeksena? May ganyan ako, si Ms. Eula. Kaeksena ko siya sa The Good Son. Parang may hawak siyang hostage. Tapos, wala sa eksena ‘yung tatawa siya na parang... para siyang demonyo nu'ng tumawa siya. Tapos, nagulat na lang ako. Ang nangyari, nanonood ako (kay Eula). Tapos, nagtataka si direk bakit hindi ako umaarte. Tapos, nalaman nila na nanonood na lang ako. Tapos, ang nangyari, kinunan na lang ako ng solo shot na para kunwari, nakatingin ako sa kanya," natatawang kuwento pa ni Joshua.





Comments