top of page

Pagtubo ng dalawa o higit pang pigsa sa iisang bahagi ng katawan, delikado!

  • Shane Ludovice
  • May 24, 2020
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Hindi ko alam kung bakit ako madalas magkaroon ng pigsa kahit malinis naman ako sa katawan. Nagkaroon ako nito last month sa likod ng hita ko, gumaling ito pero nagkaroon ulit ako last week sa bandang kaliwa ng aking puwit at ngayon ay meron na naman sa ilalim ng naunang kong pigsa. Paano ba maiiwasan ang madalas na pagkakaroon ng pigsa? - Mac

Sagot

Ang mga pigsa o boils sa Ingles ay nagsisimula bilang pamumula ng balat na kalaunan ay tumutuloy ito sa pagtubo ng maliit na bukol na lumalaki habang ito ay napupuno ng nana.

Puwedeng lumitaw ang mga ito sa kahit saang bahagi ng katawan, ngunit kadalasan ay lumalabas ito sa mukha, leeg, kilikili, singit, puwitan o hita.

Ang pigsa ay impeksiyon na nagmumula sa Staphylococcus areus (S. aureus) bacteria. Kadalasan ay nag-uumpisa ang bukol na kasing liit ng gisantes o pea saka unti-unti itong lumalaki. Huwag mabahala dahil karamihan ng mga pigsa ay gumagaling nang kusa.

Katagalan ay puputok ito, lalabas ang nana at kusa ring hihilom. Ang prosesong ito ay tumatagal nang dalawang araw hanggang tatlong linggo.

Simpleng kaso lamang ito kaya hindi na kailangang ipatingin sa doktor lalo na kapag nag-iisa lamang at hindi naman kalakihan. Pero kapag ang tumubo ay dalawa o mas marami pang pigsa at magkakalapit ang puwesto ng mga ito, makabubuti na ipasuri ang mga ito sa doktor sapagkat maaaring sintomas ito ng ibang sakit.

Paano maiiwasan ang pagbabalik-balik ng pigsa?

Dahil isang uri ng infection ang pinagmumulan ng pigsa, ang pag-iwas dito ay nakasalalay sa pagiging malinis sa katawan.

  • Ugaliing maghugas ng mga kamay lalo na kung may nakahalubilong may pigsa.

  • Hugasan nang mabuti ang mga sugat, gasgas o anumang pinsala sa balat at gamitan ng disinfectant.

  • Takpan ng malinis na bandage ang sugat o anumang pinsala sa balat.

  • Palakasin ang resistensiya sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain, pagkakaroon ng regular na ehersisyo at sapat na tulog.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page