top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Ibinulgar na “sex for pass”, ‘di dapat palagpasin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 24, 2020
  • 2 min read

Nitong mga nagdaang araw ay tila hindi na natapos ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga awtoridad.

Ngayon ay may kumakalat sa social media kung saan may mga pulis umano ang sangkot sa “sex for pass” o may mga nagbibigay ng serbisyong seksuwal sa mga pulis para makalusot sa mga checkpoints.

Batay sa ilang post, meron pa umanong mga pulis ang pumupunta sa ilang sex workers habang may lockdown.

Kaugnay nito ay hinimok ng Philippines National Police (PNP) na lumantad ang mga biktima umano ng “sex for pass” upang maghain ng pormal na kaso nang sa gayun ay mapanagot at maipakulong ang mga suspek.

Maituturing umanong kriminal at sexual predator ang mga pulis na gumagawa nito.

Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, siniseryoso ng PNP ang mga alegasyon na may mga pulis na nasa quarantine checkpoints ang nang-aabuso ng kababaihan.

Aniya, iginagalang ng liderato ang kababaihan, ngunit hindi patas sa mga pulis bilang mga frontliners na husgahan sa kabuuan ang buong PNP dahil sa pagkakamali ng iilan.

Batid natin na hindi na bago ang mga reklamo kaugnay sa pang-aabuso ng mga awtoridad sa kanilang posisyon.

Ngunit ang tanong, paano maglalakas ng loob ang mga biktima kung alam naman nating hindi lahat ng lumalabag sa batas ay naparurusahan at nawawala sa serbisyo?

Nakadidismaya na minsan ay tila hanggang salita lang ang mga ito lalo na kapag kasama nila ang sangkot. Pero kapag ordinaryong tao ang nagkamali o kahit nagbiro lang, huli agad—may multa na at kulong pa.

Marahil, kailangan nang malinis ang Pambansang Pulisya sapagkat habang tumatagal ay lumalala ang ilan sa kanila. Dinudungisan at sinasayang lamang ng mga kapalmuks na ito ang sakripisyo ng mga matitino nilang kabaro.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page