Mass gathering sa paggunita ng Eid’l Fitr, bawal — NCRPO Chief Sinas
- BRT
- May 22, 2020
- 1 min read

Mahigpit na babantayan ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga mosque at open spaces sa Metro Manila sa Lunes, Mayo 25.
Ito ay para masiguro na walang mangyayaring mass gatherings o pagtitipun-tipon ng mga Muslim sa kanilang paggunita ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan.
Ayon kay NCRPO Chief Maj. Gen. Debold Sinas, base sa marching order ng pamunuan ng PNP ay mahigpit na babantayan ag mga mosque.
Kailangan aniyang masunod ang guidelines ng Inter-Agency Task Force.
Pinaalalahanan na rin ni Sinas ang mga district director na bantayan ang mga lugar sa kanilang nasasakupan lalo na ang mga traditional places na pinupuntahan ng Muslim kapag Eid’l Fitr gaya ng Luneta, Quirino Grandstand at iba pa.
"Every year talagang nagtitipun-tipon ang mga 'yan. Kaya nga ang ginawa namin, kinausap namin ang mga Imams na based sa directive ng IATF, close pa rin 'yung malalaking mosques, wala pa rin pagtitipon kasi 'yun 'yung policy ng IATF," ani Sinas.
"Ang sabi ni Chief PNP mag-prepare kami kasi 'yung mga mosques, guwardiyahan at saka tingnan na 'yung directive ng IATF ay masunod na walang pagtitipon-tipon o pagdadasal..." dagdag pa ng opisyal.





Comments