Interpretasyon ng COVID-19 data, dapat maging malinaw bago isapubliko
- Ryan B. Sison
- May 22, 2020
- 2 min read

Tanggap natin na lahat tayo ay may kani-kanyang interpretasyon at opinyon sa mga bagay-bagay.
At ngayong may kinahaharap tayong pandemya, mahalaga ang opinyon ng bawat isa, lalo na ng mga opisyal ng gobyerno para masugpo ang COVID-19.
Pero paano kung ang mga interpretasyon o opinyon na ito ay maaaring magdulot ng pagkalito ng publiko?
Kamakailan, sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee, inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nararanasan na ng Pilipinas ang second wave o ikalawang bugso ng COVID-19. Base umano sa pahayag ng epidemiologist na si Dr. John Wong, ang first wave ay naranasan noong Enero nang magpositibo sa sakit ang tatlong Chinese mula sa Wuhan, China at ang ikalawang bugso ay nagsimula noong Marso nang magkaroon ng local transmission sa bansa.
Hindi naman ito sinang-ayunan ng mga senador at sinabing dapat itama ng Health chief ang pahayag dahil maari itong magdulot ng pangamba sa publiko.
Gayundin, kinontra ng Palasyo ang pahayag ni Sec. Duque. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nasa first wave pa rin ang Pilipinas at nagsimula ito sa tatlong Chinese mula sa Wuhan na positibo sa sakit. Nagpatuloy aniya ang first wave mula Enero at lumobo hanggang Marso hanggang unti-unting bumaba pero hindi pa ganap na na-flatten ang curve kaya wala pang second wave.
Umani naman ng batikos mula sa publiko ang magkakaibang opinyon ng mga opisyal ng gobyerno hinggil sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa taumbayan, kung nasa ikalawang bugso na ang COVID-19, bakit niluwagan ang lockdown? Hindi ba dapat, lalong tayong mag-ingat?
Kung sa ganitong pagpapahayag ng interpretasyon ay hindi kayo magkasundo, kanino maniniwala ang publiko? ‘Wag n’yo sanang hayaan na mawalan ng tiwala sa inyo ang taumbayan dahil lang sa kapalpakan ninyo.
Sa panahong ito, napakahalaga ng mga impormasyon na ibinibigay ng mga opisyal ng gobyerno. Bawat pahayag ay maaaring makabuti o makasama sa publiko kaya dapat tayong maging maingat.
Gamitin ninyo ang datos para makatulong sa pagresolba ng kinakaharap na problema at hindi para gumawa ng panibagong suliranin.
Hindi ito ang panahon para magkani-kanya dahil ang kailangan natin ngayon ay magkaisa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments