Madir na Superstar, purdoy na raw... LOTLOT AT MGA UTOL, TAMEME SA BLIND ITEM NA NANGHIHINGI NA LANG
- Erlinda Rapadas
- May 21, 2020
- 2 min read

Erlinda Rapadas / Teka Nga
Todo-depensa ang malalapit na kaibigan at loyal fans ng one and only Superstar na si Nora Aunor sa kumalat na blind item na diumano'y nanghihingi na lang siya ng ayuda sa mga anak niya na groceries ang ibinigay at hindi cash.
Marami ang nag-react at obvious na obvious daw na si Nora ang aktres na binabanggit sa nasabing blind item.
Pero, hindi nagbigay ng reaksiyon ang mga anak ni La Aunor na sina Lotlot, Matet, Ian, Kiko atbp.. Basta ang alam ng lahat, fake news ang nasabing blind item tungkol sa Superstar.
Pero, kung sakali mang dumating sa puntong gipit na gipit na si Aunor sa pananalapi, hindi siya manghihingi ng ayuda sa mga anak. Sa mga malalapit na kaibigan, puwede pa.
Isa si Nora Aunor sa mga artistang hindi materyoso sa buhay. Ang tawag nga namin sa kanya ay "Ang Babaeng Galit sa Pera". Siya kasi ang taong kapag may nahawakang pera ay parang si Santa Claus na namumudmod at halos wala nang itinitira sa kanyang sarili.
Kung ginusto lang niya at may magaling siyang financial adviser noong peak ng kanyang career, mas mayaman na sana siya ngayon kay Sharon Cuneta o sa yumaong si Amalia Fuentes. Milyun-milyon ang dumaan lamang sa kamay ng Superstar.
Kung medyo kapos man siya sa aspetong financial, nagagawa pa rin niyang tumulong sa ilang taong nangangailangan. Hindi pa pulubi si Aunor. May show pa siya sa GMA-7, ang Bilangin ang Mga Bituin kasama sina Ms. Mylene Dizon, Kyline Alcantara, Zoren Legaspi atbp..
Well, ang mga taong malapit kay Ate Guy ang makakapagpatunay na malaki ang malasakit niya (Nora) sa mga maliliit na manggagawa sa pelikula at telebisyon. Sila ang binibigyan niya ng tulong kapag may hawak siyang pera. Alam niya kung papaano ang buhay ng isang mahirap na manggagawa at mawala man ang milyones na kanyang kinita, maligaya naman siya na nakatulong sa marami.





Comments