Balik-trabaho na walang public transport, palpak na diskarte ng gobyerno!
- Pabs Hernandez III
- May 19, 2020
- 2 min read
DISKARTE NG GOBYERNO SA BALIK-TRABAHO, PALPAK—Bagama’t pinayagan nang magbukas ang ilang kompanya at magbalik-trabaho ang mga manggagawa sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ), ban pa rin ang public transport kaya ang resulta, karamihan sa manggagawa ay naglakad nang napakalayo at ang iba naman ay hindi na pumasok.
Isa lang ‘yan sa mga diskarteng palpak ng gobyerno, buwisit!
◘◘◘
IBA ANG TRATO SA MAHIRAP AT MAKAPANGYARIHAN NA NAGKASALA SA BATAS—Viral sa social media ang fish vendor na si Joseph “Mang Dodong” Jimeda, na inaresto noong May 7, nakulong ng isang linggo at nakalaya lang nang makapagpiyansa ng P3, 500 noong May 15. Lumabag umano ito sa protocol ng ECQ nang lumabas ng bahay para umangkat ng isdang kanyang ilalako sa Navotas.
Nag-viral ang nasabing sitwasyon nang ikinumpara ito ng netizen sa kontrobersiyal na “birthday party” ni NCRPO Director Gen. Debol Sinas at “mass gathering” ng mga OFWs dahil kay Mocha Uson.
Hirit ng mga netizens, palibhasa ay fish vendor lang si “Mang Dodong” kaya hinuli agad at dahil heneral si Sinas at DDS blogger si Mocha, walang nangahas na umaresto sa kanila—pagpapakita lamang na magkaiba ang trato ng gobyerno sa mga mahihirap at makapangyarihang nagkakasala sa batas, boom!
◘◘◘
PALUSOT NI MOCHA SA KASONG “FAKE NEWS”, “HONEST MISTAKE” RAW—Ang palusot ni Mocha sa reklamong “fake news” na isinampa sa kanya sa NBI ay “honest mistake” lang ang kanyang nagawa nang palabasin niyang binili ng gobyerno ang mga Personal Protective Equipment (PPE) na pinost niya sa social media gayung galing ito sa SM Foundation na na-donate sa isang ospital.
Honest mistake kung isang beses lang nagawa, eh, ang daming fake news ni Mocha. Bahala ng humusga ang publiko kung maniniwala sila sa palusot ng babaeng ito, period !
◘◘◘
SINIBAK NG PNP CHIEF, PRINOMOTE NI GEN. SINAS—Dahil sa kapabayaan sa illegal gambling, sinibak noon ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa si Lt. Col. Bernard Yang bilang hepe ng Pasay City police, pero kamakalawa ay itinalaga naman ni Gen. Sinas si Col. Yang bilang hepe ng Makati City police.
Tila isang uri ito ng “pambabastos” sa PNP chief sapagkat ang sinibak niya ay prinomote naman ni Gen. Sinas, boom!





Comments