top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Incontestability clause ng life insurance policy sa ating bansa

  • Persida Acosta
  • May 14, 2020
  • 2 min read

Dear Chief Acosta,

Kumuha ng life insurance ang aking asawa noong Marso 2015 at ginawa akong beneficiary. Kinabukasan, pagkatapos mabayaran ang premium, nakuha na rin namin ang kopya ng insurance policy sa kanilang opisina. Sa kasamaang-palad, namatay sa isang vehicular accident ang aking asawa na naganap noong umuwi siya sa kanilang probinsiya last Abril 2019. Nagtungo ako sa insurance company upang makuha ang mga death benefits na nakasaad sa kanyang life insurance policy. Nagulat ako nang sabihin ng insurance company na ang makukuha ko lamang ay ang refund ng mga premiums na binayaran ng asawa ko dahil itinago ng asawa ko ang kanyang sakit sa baga at puso. Hanggang sa ngayon ay wala pa rin akong nakukuha. Wala ba talaga akong makukuha sa death benefits na nakasaad sa kanyang policy? – Clarisse

Dear Clarisse,

Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Section 48 ng Amended Insurance Code of the Philippines (Republic Act No.10607). Ayon sa nasabing batas:

“Section 48. Whenever a right to rescind a contract of insurance is given to the insurer by any provision of this chapter, such right must be exercised previous to the commencement of an action on the contract. After a policy of life insurance made payable on the death of the insured shall have been in force during the lifetime of the insured for a period of two (2) years from the date of its issue or of its last reinstatement, the insurer cannot prove that the policy is void ab initio or is rescindable by reason of the fraudulent concealment or misrepresentation of the insured or his agent.” (Binigyang-diin)

Ipinaliwanag din ng ating Korte Suprema sa kasong Sun Life of Canada (Philippines), Inc. vs. Sibaya (G.R. No. 211212, June 8, 2016, Ponente: Honorable former Associate Justice Bienvenido L. Reyes) na: “After the two-year period lapses, or when the insured dies within the period, the insurer must make good on the policy, even though the policy was obtained by fraud, concealment, or misrepresentation.” (Binigyang-diin)

Malinaw na nakasaad sa ating batas na ang insurance company ay may dalawang (2) taon simula sa effectivity ng life insurance contract at habang ang insured (ang taong kumuha ng insurance) ay buhay pa upang patunayan na walang bisa ang insurance policy dahil sa pagtatago ng sakit o pandaraya ng insured.

Samakatwid, sa inyong sitwasyon, may karapatan kang makuha ang death benefits na nakasaad sa life insurance policy ng iyong asawa dahil hindi na maaaring sabihin ng insurance company na walang bisa ang policy na nakuha ng iyong asawa noong taong 2015.

Sana ay nasagot namin ang inyong katanungan. Tandaan na ang aming opinyon dito ay nakabatay lamang sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page