Alamin: Benepisyo sa SSS na maaaring makuha ng mga OFW na pinauwi sa Pilipinas dahil sa COVID-19
- Buti Na Lang May SSS
- May 10, 2020
- 3 min read
Buti na lang may SSS

Dear SSS,
Ako ay isang OFW na nagtatrabaho sa luxury liner sa Asya ngunit sa kasamaang-palad ay napauwi ako ng aking employer dahil nagsara ang kumpanya dahil sa COVID-19. Nais kong malaman kung may mga benepisyo ba akong makukuha sa SSS? – Carlo
Sagot
Ikinalulungkot naming marinig na isa ka sa mga kababayan nating nawalan ng hanapbuhay dulot ng lumalaganap na COVID-19. Kung ikaw ay aktibong nagbabayad sa SSS, maaari kang mag-claim ng mga benespisyo hangga’t natutugunan mo ang mga kondisyon hinggil dito.
Una, maaari kang makakuha ng unemployment benefit na katumbas ng kalahati ng iyong average monthly salary credit at ibibigay ito bilang cash allowance sa loob ng dalawang buwan. Dapat matugunan mo ang mga kuwalipikasyon tungkol sa benepisyong ito kabilang na ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18 buwan bago ang buwan na ikaw ay nawalan ng trabaho.
Gayunman, hintayin mo munang matapos ang enhanced community quarantine (ECQ) sa May 15, 2020 upang makapag-apply ka sa SSS branch dahil wala pa itong online application. Tandaan na ito ay may prescriptive period ay isang taon mula sa araw ng iyong involuntary separation sa iyong kumpanya.
Maaari kang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay ng SSS sa iyong lugar sa Pilipinas o maging sa ibang bansa man. Kinakailangan kang magsumite ng orihinal at photocopy ng dalawang (2) valid ID, sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho na iniisyu ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng regional offices at Philippine Overseas Labor Offices (POLO) nito. Kalakip nito ang Notice of Termination mula sa Employer o Affidavit of Termination of Employment.
Samantala, bilang miyembro ng SSS, kuwalipikado ka rin sa mga loan privileges na ibinibigay ng ahensiya. Kabilang na ang salary at calamity loans subalit sa kasalukuyan ay binabalangkas pa natin ang mga guidelines sa ilalim ng Calamity Loan bilang karagdagang tulong na rin natin sa mga miyembrong tulad mo.
Kinakailangan lamang na ikaw ay nakarehistro sa My.SSS Facility na matatagpuan sa website, www.sss.gov.ph dahil ang mga loan applications ay tinatanggap na via online para sa mas mabilis na proseso. Maaari mo ring i-download ang SSS Mobile App sa iyong cellphone upang ma-access ang iba’t ibang impormasyon kaugnay ng iyong membership. Maaari ka na ring mag-apply ng iyong salary loan dito. Samantala, kinakailangan na ikaw ay may 36 buwanang kontribusyon o higit pa kung saan ang huling anim na buwan ay nakatala na sa iyong record sa loob ng 12 buwan bago ang pagpa-file ng iyong aplikasyon.
Kung naghuhulog ka sa maximum monthly salary credit na 20,000 makahihiram ka ng katumbas ng iyong one month salary credit o hanggang 20,000 kung ang kontribusyon mo ay 36 buwan lamang. Katumbas naman ng two months monthly salary credit na aabot hanggang P40, 000 ang iyong tatanggapin kung nakapaghulog ka ng 72 buwang kontribusyon o higit pa.
Paalala rin sa ating mga OFWs, self-employed at voluntary members na maaari pa rin ninyong bayaran ang inyong mga kontribusyon noong Pebrero, Marso Abril at Mayo hanggang June 1, 2020 dahil pinalawig ito ng SSS kaugnay ng ating sitwasyon sa kasalukuyan. Sa mga OFWs naman, maaari pa ninyong bayaran ang inyong kontribusyon sa buong taon ng anumang buwan hanggang Setyembre 2020.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments