top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Magandang layunin nababalewala dahil sa nalalabag na quarantine protocols

  • Ryan B. Sison
  • May 9, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Habang may mga taong handang tumulong sa mga kapwa nangangailangan, hindi talaga maiiwasang mapuna ang ilan.

Kahapon, Mayo 8, nagdiwang ng kaarawan si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas at naisipan nitong mamigay ng relief packs sa mga residente ng Bgy. 105, Tondo, Manila.

Gayunman, nauwi sa siksikan sa napakahabang pila sa ilalim ng tirik na araw ang pamimigay ng bigas at sardinas dahil hindi nakontrol ang dami ng tao.

Bukod sa mga residente ng Bgy. 105, pumila rin ang mga taga-ibang barangay, pero hindi lahat ay nabigyan, kaya naman marami ring umuwing luhaan.

Dahil sa pagdagsa ng tao, maraming nabahala dahil ang naturang lugar pala ang nangunguna sa mga may pinakamaraming active COVID-19 cases sa buong lungsod.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), dahil sa kagustuhan ng mga tao na makakuha ng anumang klase ng tulong, nababalewala ang quarantine protocols kaya naman hindi lang umano dapat sa pulis iasa ang pagsunod sa mga kautusan sa lahat ng pagkakataon.

Kahit sabihin nating hindi lang pulis ang responsable sa paniniguradong nasusunod ang quarantine protocols, sa sitwasyong ito, makokontrol sana ang mga tao kung naging mahigpit ang pulisya sa pagpapatupad ng social distancing.

Bagama’t, maganda ang layuning makapagpahatid ng tulong sa taumbayan, kung pulis mismo ang lalabag sa sa protocols, paano pa ito susundin ng mga tao?

Mga alagad ng batas pa rin ang dapat magsilbing ehemplo sa mga tao.

At tayo namang publiko, gawin din natin ang parte bilang mamamayan. Kung may mga namimigay ng ayuda, magkusa na tayong pumila nang may distansiya dahil tiyak na gagaya ang kapwa natin at malaking tulong na ito sa ating kapulisan.

Sa sitwasyon natin, bawat tulong at hakbang ay mahalaga. Kung alam nating makabubuti para sa marami, gawin na natin ito.

Mahaba pa ang laban natin kontra COVID-19, kaya sana, maging daan ang bawat isa para mapagtagumpayan natin ang laban na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page