Kung si Coco, handang makipagpatayan... Luis, idinaan sa pagpapatawa ang pagsasara ng Dos
- Ador Saluta
- May 9, 2020
- 4 min read
Coco, umaming umiiyak na habang naliligo dahil sa sobrang pagod sa 5 taon ng serye
Kasing-init ng panahon ang ulo ni Coco Martin nang maglabas ng kanyang saloobin sa ginanap na Laban Kapamilya Facebook Live kagabi (Biyernes, May 8) kaugnay ng biglaang pagpapasara sa kanilang TV network na ABS-CBN ng National Telecommunications Commission nu'ng May 5.
Sa simula pa lang, nilinaw na ni Coco na walang nag-utos sa kanilang mga Kapamilya stars na gawin ang paglalabas ng kanilang sama ng loob sa publiko sa pamamagitan ng FB Live.
Aminado rin ang aktor at paulit-ulit pang sinabing galit na galit talaga siya sa ginawang pagpapa-shutdown sa ABS-CBN para 'di mapanood ang mga programa ng network dahil hindi sila nakapag-renew ng prangkisa na nag-expire na nu'ng March, 2020 pa.
Aniya, hindi na siya magpapa-good image ngayon dahil wala naman na silang show at sinabi na nga ang totoong nararamdaman niya.
Kung sarili lang daw niya ang iisipin, napaghandaan na niya ang kanyang kinabukasan at ng kanyang pamilya kaya wala na siyang dapat ikatakot mawalan man ng trabaho. Pero ang iniisip daw niya ay ang napakaraming taong napapasaya nila na ngayon ay biglang nawalan ng panoorin, gayundin ang mga kasamahan niya sa network na nawalan ng trabaho.
Inamin ni Coco na sa limang taong umeere ang kanyang Ang Probinsyano primetime serye, nakakaramdam na rin siya ng pagod lalo't minsan ay 3 oras lang ang kanyang pahinga, kaya habang naliligo raw siya ay naiiyak na lang siya.
Pero dahil hiniling niya sa Diyos na bigyan siya ng trabaho at dahil sa commitment niya sa kanyang mga manonood, hindi raw siya nagrereklamo.
Sabi pa ng aktor, “Ang lagi lang ipinapaalala ng mga boss namin, itong lahat ng ginagawa natin, ang kapalit nito ay serbisyo para sa bayan.”
Serbisyo para sa kapwa ang itinanim kay Coco ng ABS-CBN, kaya hindi niya lubos-maisip kung ano ang malaking pagkakamali ng kumpanya para matanggal sa ere.
Ani Coco, “Kung ang kumpanya po namin ay may ginawang kawalanghiyaan, kasalbahihan, at may inaping tao, alam n'yo po, hindi ko lulununin kung anuman ang ipagagawa sa akin. Ako ang kauna-unahang tatanggi at makikipaglaban.”
Ipinagsigawan din ni Coco na hindi na niya kayang pigilan ang kanyang galit kaya diretsahan na niyang sinasabi ngayon.
“Mula nang napasara ang ABS-CBN, kinimkim po namin ‘yung galit sa dibdib namin. Ano'ng klaseng hustisya, ano'ng klaseng mga tao ang gumawa nito? ‘Yun po ang itinatanong ko. Kasi kaming mga artista, maaaring lahat ng panlalait, naabot na namin. Minamaliit kami, kesyo hindi kami nakapag-aral, artista lang kami at hindi nakapagtapos — lahat ng panlalait, okey lang po ‘yan. Wala namang problema ‘yan. Opinyon n'yo po ‘yan, eh.
“Ang sinasabi ko lang po, noong nagkaroon ng COVID-19, ang ABS-CBN ang isa sa mga nanguna para tumulong sa ating bansa. Kaming mga artista, walang nagsabi sa amin, walang nagpilit, kahit maging buhay na namin ang kapalit," pagpapaalala pa ni Coco sa mga kontribusyon nilang mga artista para sa bayan.
Ang punto lang naman daw ni Coco, bakit ngayong may COVID-19 pandemic pa isinabay ang pagpapa-shutdown sa ABS-CBN?
“Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna n'yo pang isiping ipasara ang ABS-CBN kesa tugunan ang pangangailangan ng ating bansa?" himutok ng aktor.
Bagama't humingi ng paumanhin ang aktor sa paglalabas ng kanyang galit, aniya ay hindi na puwedeng daanin sa diplomasya ang usapin ng pagpapasara sa ABS-CBN dahil inabuso at tinarantado na umano sila ng ilang nakaupo sa gobyerno.
"Binarubal na tayo, eh, tinarantado na tayo, kinuha na ‘yung bahay natin. Ano'ng ie-expect natin? Ipagdarasal natin sila? Ipinagdasal na natin sila. Tiniis na natin sila. Dapat kumilos tayo! Dapat magsalita tayo! Dapat marinig kung ano ang nawala sa atin.
"‘Yung 11,000 na nasa ABS-CBN, iparinig ninyo! Kasi kung lahat tayo, mananahimik, aabusuhin tayo. Para tayong batang kinotongan at pagkatapos, kapag nagkita kayo, ano'ng ie-expect mo?"
Pagtatapos pa ng aktor, wala na siyang iniingatang imahe ngayon kaya sinabi na niya ang lahat ng gustong sabihin lalo na't ang "pamilyang" itinuturing niya ang apektado.
"Kapag ang pamilya ko, kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan. Kahit patayin mo pa ako,” palabang sabi ng bida sa Ang Probinsyano.
♥♥♥
Kung si Coco, handang makipagpatayan…
Luis, idinaan sa pagpapatawa ang pagsasara ng Dos

Kung si Coco Martin ay emosyonal sa pagpapahayag ng kanyang saloobin dahil sa pagpapasara sa ABS-CBN, iba naman ang aura ng actor-host na si Luis Manzano na idinaan sa biro ang lahat ng nararamdamang lungkot sa kaganapan sa kanyang paligid gaya ng COVID-19 pandemic.
Patuloy sa pagpo-post si Luis ng mga funny videos sa kanyang Instagram account para maghatid ng good vibes at saya sa kanyang 3 million followers.
Sabi ni Luis, minana niya ang pagpapatawa on both his parents, Edu Manzano and Vilma Santos-Recto.
“I think I am makulit but that does not necessarily equate to funny! Both my parents are hilarious, mas nakikita lang kay daddy but my mom is the same! Laugh trip sila!” bahagi pa ng panayam sa kanya.
Bilang isa sa mga pangunahing hosts sa showbiz industry, ani Luis, walang sikreto sa kanyang tagumpay.
“I still don’t think I am! I guess as a ‘makulit host,' your energy always goes outward to provide to the audience but alone, I do have my quiet loner moments,” aniya.
Sa pagdiriwang ng Mother’s Day ngayong May 10, nag-share si Luis ng kanyang most memorable moments kay Ate Vi habang siya ay lumalaki.
"When I would visit her during movie shoots, dinners, and Vilma show, every time I get to spend time with either my parents is special due to the kuwentos, laughter and you feel the love,” kuwento pa niya.
Kaya naman hanggang sa edad niya ngayon, good vibes lagi si Luis at walang bitterness.





Comments