Petisyon ng ABS-CBN vs NTC, sa Lunes ira-raffle — SC
- Madel Moratillo
- May 8, 2020
- 1 min read

Hindi nakasama sa tinalakay sa en banc session ng Korte Suprema kanina ang petisyon ng ABS-CBN na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa inilabas na cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ayon sa Korte Suprema, natanggap nila ang petisyon kahapon pasado alas-3:00 ng hapon.
Dahil dito, sa Lunes pa makakasama sa raffle ang naturang petisyon.
Sa raffle malalaman kung sino ang magiging member in charge dito na siya namang magrerekomenda para sa rekonsiderasyon ng en banc.
Kahapon, nabatid na naghain din ng urgent motion ang ABS-CBN sa SC para agad mai-raffle ang kaso.
Layon ng petisyon na maipawalambisa o isantabi ng Korte Suprema ang order ng NTC na nagpapahinto sa operasyon ng kumpanya.
Giit ng ABS-CBN, ang naturang order ng NTC ay paglabag sa karapatan ng publiko sa tamang impormasyon at pagsagka sa kalayaan sa pamamahayag.
Maaari umano itong magdulot ng seryoso at irreparable damage sa kumpanya at libu-libong empleyado kung magpapatuloy ang implementasyon nito.





Comments