Hintayin lang daw ang pagbabalik ng ABS-CBN sa ere… Coco, binantaang sasapakin at sisipain sa mukha
- Beth Gelena
- May 8, 2020
- 4 min read
Lolit, super-sad sa pagsasara ng Kapamilya kahit Kapuso pa Alam ng lahat na ang talent manager at veteran columnist na si Lolit Solis ay nasa GMA-7. Pero sa ganitong pagkakataon, may puso rin ang batikang manunulat para sa ABS-CBN.
Nalungkot din siya nang mabalitaang bigla-bigla ay ipina-shutdown ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Kapamilya Network last May 5.
Ani Manay Lolit sa kanyang Instagram account, ‘pag nanonood na siya ng news pagdating ng 6:30 PM, nasanay na raw siyang tinitingnan muna ang headline ng TV Patrol saka niya ililipat sa 24 Oras ang TV.
Palipat-lipat daw siya sa dalawang channels, pero basically, nasa 24 Oras talaga siya tumututok.
Aniya, "Napansin ko nga na puwedeng pang-beauty contest ang ganda nina Vicky Morales at Bernadette Sembrano. Ang ganda-ganda ng mga mukha nila kaya ang sarap manood 'pag sila ang nagbabalita.
"At dahil nasanay ako, nalimutan ko na naka-shutdown na pala ang Channel 2 at ginawa ko pa ang paglilipat ng channel.
"Nakakalungkot talaga lalo nga at nakasanayan mo na ang manood sa ABS-CBN," lahad ng former host ng showbiz talk show ng GMA-7.
Dugtong pa ni Manay Lolit, maging ang Kapuso ay nalungkot sa sinapit ng kanilang archrival network.
Aniya, "At sa maniwala kayo at hindi, 'yung mga taga-GMA-7, sad din sa nangyari sa kanilang mga friends sa kabilang istasyon. So sad talaga."
***
Hintayin lang daw ang pagbabalik ng ABS-CBN sa ere… COCO, BINANTAANG SASAPAKIN AT SISIPAIN SA MUKHA ANG MGA BASHERS NIYA

Beth Gelena / Bulgary Files
Pinatulan nina Coco Martin, Kim Chiu at Regine Velasquez ang mga bashers at trolls na mga natuwa nang magsara ang ABS-CBN.
Dahil sa sitwasyon ngayon ng Kapamilya Network, hindi maiwasang maglabas ng sama ng loob ng ilang mga artists ng ABS-CBN tulad na lang ni Coco.
Ayon sa netizens ay lumabas daw ang pagka-batang Novaliches at ang pagka-jologs ng aktor.
Sa socmed account kasi ni Coco, may ipinost siyang video ng batang umiiyak.
Caption niya, “Tama na, 'wag ka nang umiyak, babalik kami, sadyang may mga demonyo lang talaga na mga tao na ngayon, gustong tanggalan ng kaligayahan ang mga tao at ng hanapbuhay na pinagkukunan ng kanilang kakainin sa araw-araw.”
Hindi niya napigilang sabihin na, “Pagbabalik namin, pagsasasapakin ko ang lahat ng mga tuwang-tuwa ngayon na sarado na ang ABS-CBN.”
Lahad pa ni Coco, baka raw sa pagbabalik nila, sasabihin ng kanilang mga bashers na miss na miss nilang makapanood ng live show ng It’s Showtime at sasali sa pakontes ng programa.
Aniya, “Try n’yo manood ng Probinsyano, sisipain ko mukha n'yo!”
Sey pa ng aktor, lahat daw ng mga ayaw sa kanila at sa ABS-CBN ay 'wag silang i-follow.
Aniya, “HINDI NAMIN KAYO KAILANGAN SA BUHAY NAMIN PARA LAITIN KAMI AT PAGTAWANAN SA PINAGDADAANAN NAMING LAHAT!”
Patungkol pa ni Coco sa mga bashers at trolls, “MALAYA PO KAYO MAKAKAALIS HINDI PO NAMIN KAYO KAILANGAN… HINDI KAMI MAMAMATAY 'PAG UMALIS KAYO. SALAMAT Po."
Sa huli, sinabi ni Coco na ang sarap daw sa pakiramdam ‘pag nalalabas mo 'yung mga nasa sa loob mo nang walang kinatatakutan at pinangingilagan.
Kaya raw pala masayang-masaya 'yung mga bashers at trolls sa ginagawa nilang panlalait at pagkutya sa mga artista dahil hindi raw sila makapalag.
“Ngayong wala na tayong trabaho, pantay-pantay na tayo, puwede na tayong lumaban, wala na tayong dapat katakutan.
“Gusto nila basahin kung ano ang mga post natin.. ngayon ang pagkakataon para makaganti tayo… awayin natin sila,” ang may bantang paghahamon ng aktor sa mga bashers at trolls.
Post naman ni Kim Chiu, "AYAN TAGALOG AT ENGLISH NA PO 'YAN PARA MAS MAINTINDIHAN N'YO.
“Hindi na sapat ang manahimik lang sa sitwasyon ngayon. Lalo na’t puno ng trolls, tards, bashers at kung ano man ang tawag sa kanila.
“Sa mga taong nagtatago sa sampu o benteng account nila para lang murahin kami! Pagsalitaan ng masama! Apak-apakan!!! Ikinayaman n'yo ba 'yan?!!! Oo, hindi ako graduate ng LAW. Pero nagsikap ako para marating kung nasaan ako ngayon DAHIL 'YUN SA KUMPANYANG ITO NA HANDANG TUMULONG SA BAWAT PILIPINO.”
“Nakilala n'yo kami dahil napapanood n'yo kami sa ABS-CBN.”
Ayon pa kay Kim, “Hindi na kami dapat matakot sa inyo!!! Kailangan na nating magsalita at ipaglaban ang tahanang nagbigay sa atin ng inspirasyon, ng ngiti sa labi at lumalaban ako ngayon dahil ito ang tahanang naglagay sa akin sa kung asan ako ngayon. Malaki ang utang na loob ko sa ABS-CBN."
Panawagan pa ng aktres, “Sana ay tulungan n'yo rin po kami, mga Kapamilya. #notoabscbnshutdown SA LAHAT NG BUMUBUO NG NTC, kay Sir Alan Cayetano, kay Sol. Gen. Calida at sa lahat ng tao sa likod ng cease and desist order, sana po ay IBALIK NINYO ANG KARAPATAN NG ABS-CBN SA MALAYANG PAMAMAHAYAG (with prayer and pink heart emojis)."
Sumagot si Coco sa post ni Kim at ang tapang ng reply niya na: “Sige Kim, nasa likod mo kami, 'wag kang matakot sa mga 'yan, puro lang satsat ang mga 'yan, wala na tayong trabaho, puwede na tayong makipagbasagan ng mukha!!!”
Naglabas din ng sama ng loob ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.
Katulad nina Kim at Coco, para rin sa mga bashers ng ABS-CBN ang kanyang post.
Aniya, “Bakit nagbubunyi ka na maraming mawawalan ng trabaho???
“Bakit pinagtatawanan mo ang paghihinagpis namin?? Sa 'yo trabaho lang 'to, sa amin kabuhayan 'to.
“Maraming pangarap ang hindi matutupad dahil dito. Pero ang saya-saya mong ipinagdiriwang ang pagdadalamhati namin.
“Oo, may opinion ka tungkol dito, may mga hindi ka gusto sa palakad dito, bagama't hindi ka naman naging part ng pamilyang ito at hindi mo naman alam ang totoo."
Ayon pa kay Regine, pagkatapos daw ng pagsubok na kanilang pinagdaraanan ay magbabalik ang Kapamilya ng mas maningning.
Buwelta pa ni Regine sa basher, "WALA KA NANG PAG-ASA.”
Pero ipagdarasal pa rin daw ng singer na sana ay mahanap muli ng basher ang kanyang puso.
Sinagot din ni Coco si Regine. Sabi ng aktor, gusto rin daw magpasikat ng basher.
Sinabi pa ni Coco na hiyang-hiya naman daw sila sa mga vloggers sa YouTube na gusto lang daw kumita ay ginagamit pa sila.
Komento ng netizens, sa mga sagot ni Coco, pagpapatunay lang na talagang galing siya sa hirap at jologs. Hindi raw kasi maitatanggi ang galit na nararamdaman ng aktor.




Comments