top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

GCQ areas na dedma sa quarantine protocols, ibabalik sa ECQ

  • Ryan B. Sison
  • May 8, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

“‘Pag lumala na naman ang bilang ng mga nahahawa sa kanila, agad-agad ‘yan ibabalik ulit natin ‘yan sa enhanced community quarantine.”

Ito ang babala ni Interior Undersecretary Martin Diño kung patuloy na babalewalain ng mga residente sa mga lugar na nakasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang precautionary measures laban sa COVID-19.

Pagkatapos kasi ng isang linggo mula nang ipatupad ang GCQ, nagsisimiula nang mabalewala ang precautionary measures laban sa pandemya, partikular ang physical distancing.

Tulad na lang sa Cagayan de Oro kung saan sa kabila ng pagmomonitor ng mga enforcer sa sitwasyon ng mga pampublikong pamilihan, patuloy na dumadagsa ang mga mamimili.

Sa Cotabato City at Bulan, Sorsogon naman, dumoble ang dami ng mga mamimili sa mga palengke matapos tanggalin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon sa isang empleyado ng palengke, mas mahirap ang sitwasyon ngayong nasa GCQ ang kanilang lugar dahil hindi nila makontrol ang pagpasok ng mga tao sa pamilihan.

Gayunman, hindi gumagamit ng facemask ang ilang tindero sa palengke sa Dipaculao, Aurora.

Dahil sa mga ulat na ito, nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na kung patuloy na babalewalain ng mga residente ang quarantine protocols, walang ibang magagawa ang pamahalaan kundi ibalik ang ECQ.

Dagdag pa rito, magbibigay sila ng show cause order sa mga LGUs na mabibigong magpatupad ng istriktong quarantine protocols.

Ikinatuwa ng maraming residente nang ilagay sa GCQ ang kanilang lugar dahil ito ay nangangahulugan na mababa ang tsansa na magkaroon ng COVID-19 transmission doon, pero nakalimutan yata ng iba na kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat.

Gayunman, dapat nating tandaan na hindi lang lokal na pamahalaan ang dapat kumilos para masiguradong nasusunod ang quarantine protocols dahil sa totoo lang, responsibilidad din ito ng mamamayan.

Pero kung hindi magtutulungan ang lider at nasasakupan, pasensiyahan na lang.

‘Ika nga, malaki ang ambag ng pag-uugali ng residente para masugpo ang hindi nakikitang kalaban. Huwag nating hayaan na lumala ang sitwasyon dahil lang sa kapabayaan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page