'Pinas, handa na kahit bawiin na ang ECQ — Salceda
- V. Reyes
- May 7, 2020
- 1 min read

Kakayanin na umano ng bansa na bawiin na ang umiiral na enhanced community quarantine na mapapaso sa Mayo 15.
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, mas handa ang bansa sa pagluluwag ng quarantine protocols kumpara sa epekto ng patuloy na lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Salceda na ilang beses nitong pinag-aralan ang mga mahahalagang data patungkol sa nararanasang krisis at masasabing pupuwede nang alisin ang ECQ kahit naghihintay pa rin ng bakuna kontra COVID-19 na posible umanong malikha sa taong 2021.
Ang hindi pa aniya kasi mapaghandaan ay ang negatibong epekto ng ECQ kung magtatagal pa ito ng higit sa dalawang buwan lalo na sa ekonomiya ng bansa.
“At this time, I am prepared to say that we are more ready for the consequences of a reopening even as we await a vaccine possibly in 2021 than for the impacts of another hard lockdown as we know it,” ani Salceda.
“Human behavior in our institutions and in the public has begun to be more prepared for the ups and downs of an epidemic,” dagdag ng kongresista.
Gayunman, binigyang-diin ni Salceda na sa sandaling mabawi ang ECQ ay kailangang gawin ng lahat ang kinakailangang mga pag-iingat upang maiwasan ang muling paglobo ng bilang ng mahahawaan ng virus infection.
Makabubuti rin aniya na itaas pa ng National Task Force Against COVID-19 ang testing, tracing at treatment ng virus at makapagsagawa ng 30,000 test kada araw na target simulan sa Mayo 30.





Comments