Bagsak-presyo ng produktong petrolyo, malinaw na indikasyon krisis sa ekonomiya!
- Ka Ambo
- May 7, 2020
- 2 min read
Malinaw na may gamot na kontra sa COVID-19.
Ito ay ang remdesivir.
Klap-klap-klap!
◘◘◘
KAHIT na sa eksperimentasyon pa lamang ito, maaari na itong ipagamit sa mga pasyente.
Pinayagan na ito ng US at malamang ay pahintulutan na rin ito sa Pilipinas at maging sa Japan!
◘◘◘
MARAMI nang artikulo kaugnay sa remdesivir.
Hindi ito vaccine, bagkus ay aktuwal na gamot.
Inihahanda ito sakaling maging grabe ang sintomas ng COVID-19 at kapag siyempre, nagpositibo sa COVID-19!
◘◘◘
LUMUTANG ang remdesivir kasabay ng mga ulat na humuhupa na ang pamemeste ng COVID-19.
Sa Pilipinas, mas marami ang bilang ng mga gumagaling kaysa sa namamatay.
Pero, ang kaso ng mga namatay na may COVID-19 ay hindi malinaw kung kasama ang mga “may edad na” at “may dati nang sakit”!
◘◘◘
KAHIT ang ordinaryong trangkaso ay delikado sa mga may edad na at mapanganib din ito sa mga dati nang may mahihinang pangangatawan o mga may sakit.
Ibig sabihin, kapag may edad na, delikadong dapuan ito ng anumang sakit!
◘◘◘
KAPAG ang tinamaan ng COVID-19 ay ang malulusog na tao at ipinagwalambahala ito, siyempre, matitigok ang biktima.
Pero, tulad din ng ibang sakit, maraming pagkakataong naagapan ang COVID-19.
Batay sa record, dumarami ang nakarerekober mula sa ordinaryong sintomas!
◘◘◘
KUMAKALMA na ang lahat.
Tumutumal na ang palengke.
Wala nang nagpa-panic buying.
Kahit ang “panic” ay nawala na.
Naubos na rin ang badyet, nawala na rin ang “buying”!
◘◘◘
KAPAG tumumal ang merkado at kakaunti ang konsiyumer—babagsak ang presyo ng produkto.
‘Yan ang nararanasan ng produktong petrolyo.
Ang bagsak na presyo ng petrolyo—ay aktuwal na indikasyon ng krisis sa ekonomiya!
◘◘◘
BAGSAK na rin ang presyo ng manok.
Indikasyon ‘yan ng matumal na bentahan.
Lugi na ang poultry industry!
◘◘◘
HINDI maaaring tumaas ang presyo sa merkado.
Kasi wala namang demand.
Walang pambili ang tao dahil walang trabaho!
◘◘◘
ANG mataas na presyo ng bilihin ay hindi indikasyon ng krisis sa ekonomiya.
Ang tunay na indikasyon ng krisis ay ang mababang presyo ng produkto at serbisyo.
Ito ay dahil walang “salapi” ang mga tao at walang demand!
◘◘◘
HINDI nakamamatay ang lockdown at quarantine.
Ang delikadong krisis na maaaring ikamatay ng tao ay ang kawalan ng suplay ng tubig!
◘◘◘
KAPAG sumabog ang Angat Dam o nakomtamina ng bakterya o virus ang mga dam o imbakan ng tubig—marami ang mamamatay.
‘Yan ang krisis na walang mabilis na solusyon!





Comments