Online class, anti-poor — Salceda
- V. Reyes
- May 5, 2020
- 2 min read

Maituturing umanong kontra-mahirap at hindi rin maituturing na matatag ang pagtuturo gamit ang online dahil sa mabagal na internet connection sa Pilipinas.
Ayon ito kay Albay Rep. Joey Salceda kung saan ay kanyang tinukoy ang mga pag-aaral na nasa 17-porsiyento lamang ng mga estudyanteng Filipino ang may internet access sa bahay habang nasa 3.74% lamang ang may cellphone na pupuwedeng maikonek sa internet.
Idinagdag pa nito na mayroon lamang limang porsiyento ng mga mag-aaral ang may internet access ang masasabing matatag ang signal para sa tuluy-tuloy na online learing activities.
Bumabagsak aniya ng 3.3 mbps ang internet speed, na mas mababa sa 15 mbps na rekomendado ng mobile analytics company na OpenSignal.
“'Pag 'yan ipinilit mo, so ‘yung 5 percent lang pala ang puwedeng matuto? Eh papa’no ‘yung 95 percent na dahil sa kanilang estado sa buhay, dahil sila po ay mahirap, kahit nasa loob ng Metro Manila o kahit siya po ay sabihin nating may kaunting kaya pero nasa malayo, hindi reliable ang internet?” pahayag ni Salceda.
Ibinabala pa ni Salceda na sa paggamit ng online learning ay maaaring mapilitan ang mga estudyante na lumabas ng bahay para bumili ng load o magbayad ng WiFi para sa online classes at lalong delikado ito na sila ay tamaan ng Coronavirus Disease 2019.
“In terms of access, alam mo, napaka-anti-poor ng online classes… Puwedeng maging optional ‘yan pero hindi po ‘yan puwede ipilit gawa nga po ng karamihan, wala naman po sila ng mga kinakailangan kagaya ng laptop, kagaya ng cellphone, katulad ng internet,” dagdag pa ng kongresista.
Binanggit pa ni Salceda na itinutulak lamang ng ilang eskuwelahan ang online learning upang patuloy silang makakolekta ng tuition fees sa mga estudyante.
“Nag-file ang Congress ng stimulus bill kung saan nakapaloob at P25 billion bilang pantustos sa mga estudyante na mahihirap na nasa college para ‘wag na po silang pinipilit na mag-online [classes] para lang po sa tuition,” ani Salceda.
Sa halip, nais ni Salceda na tapusin na ng mga eskuwelahan ang semester at magkaroon ng mass promotion ng mga mag-aaral.
“There [are] life skills being learned right now. That’s the kind of life skill that you cannot even put under controlled conditions. Wala tayong magagawa, nasa krisis tayo, bakit niyo pa dadagdagan?
Lalung-lalo na, ‘yung anxiety ng mga parents na pinipilit ngayon na magbayad ng tuition.” diin ni Salceda.





Comments