Nakabalikan ang ex, magkakatotoo pero away-bati
- Socrates Magnus
- May 5, 2020
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Odette na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na nagkabalikan kami ng ex ko. Matagal na kaming walang komunikasyon at wala kaming closure o maayos na paghihiwalay. Ang nangyari kasi ay nagselos ako dahil nakita ko na may kasama siyang ibang babae at kumain sila sa restoran na madalas naming puntahan.
Sinubukan niyang amuhin ako, at sinabing balewalain ko na lang ‘yung nakita ko. Hindi ko na siya pinansin dahil sa nakita kong sweet sila habang nasa restoran.
Ano ang ibig sabihin nito, bakit napanaginipan ko na nagkabalikan kami?
Naghihintay,
Odette
Sa iyo Odette,
Kapag pinagtagpo ang dalawang nakatakdang magkatuluyan, kahit magkagalit sila ng mahabang mga araw, sila ay magkakatuluyan pa rin. Kapag pinagtagpo at parehong nangako na magmamahalan, kahit sobrang selosa ng isa sa kanila, sila ay ganu’n pa rin. Kapag nagmahalan at may nakita kang iba, kahit masaya ka sa bago mong nakilala, balewala ito dahil siya na masaya sa iba ay nakatali na sa kanyang unang minahal kaya sila ay magkakatuluyan pa rin.
Ang panaginip ay nagsasabing magkakabalikan kayo ng ex mo. Huwag ka nang magtaka sa napanaginipan mo kahit matagal kayong nagkalayo. Kaya lang, hindi garantiya ito na hindi na kayo magkakagalit dahil ang isang kailangang maisaayos mo sa iyong sarili ay ang dapat mong labanan ang selos.
Totoong kayo ay magkakatuluyan, kaya lang, away-bati kayo kapag hindi mo nagawang alisin sa iyong katawan ang selos. Hindi naman mahirap talunin ang selos dahil ang panlaban dito ay dapat kang magtiwala sa sarili mo. Tiwala lang, iha!
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments