top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mababang kita, oks lang sa mga tsuper basta makabiyahe

  • Ryan B. Sison
  • May 3, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Sa pagbabalik-pasada ng ilang pampasaherong sasakyan dahil sa umiiral na General Community Quarantine (GCQ), maraming pagbabago o new normal base sa bagong panuntunan na itinalaga ng Department of Transportation (DOTr).

Kaugnay nito, may hiling ang grupo ng mga tsuper sa mga operator. Anila, ibaba ang boundary sa arawang pasada ng mga drayber.

Alinsunod sa mga patakaran, bababa ang kita ng mga drayber kaya dapat umanong maibaba rin ang boundary ng mga ito dahil kalahati na lang ang maisasakay na pasahero.

Sa ilalim ng GCQ, pinapayagan ng DOTr ang pagpasada ng pampasaherong bus at jeep pero kalahati na lamang ang puwedeng isakay upang masunod ang social distancing, gayundin, para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon pa sa grupo, okay lang sa mga drayber na kumita nang mababa sa P500 kada araw ng pasada, basta may maiuwi at pantustos sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Malaking adjustment at pagbabago talaga ang kahaharapin natin sa mga susunod na araw at tulad ng inaasahan, hindi ito magiging madali sa lahat kaya sana, simulan natin ito sa maliliit na hakbang.

Tulad na lang ng pagbibigay ng konsiderasyon sa hiling ng mga drayber. Kung tutuusin, malaking bagay din ang mawawala sa kanila, pero dahil sa kagustuhang kumayod, oks lang kahit maliit ang kita dahil ang importante ay may maiuwi para sa pamilya.

Hindi naman ito pang-forever at malamang, kapag nakabawi-bawi na, unti-unti nang babalik sa normal ang operasyon at kita.

Panawagan sa mga PUV operator, sa panahong marami ang gustong kumayod para matustusan ang araw-araw na gastusin, maging daan sana tayo para makapagbigay ng oportunidad sa mga kapwa nating nangangailangan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page