Sariling desisyon, ‘di dapat sundin ng Earth Rabbit para ‘di pumalpak sa career at negosyo
- Maestro Honorio Ong
- May 2, 2020
- 3 min read

Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa magiging kapalaran ng 12 animal signs ngayong Year of the Metal Rat.
Sa pagkakataong ito, ang tatalakayin natin ay ang ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho.
Kung ikaw ay isinilang noong 1915, 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011 at 2023, ikaw ay may Rabbit Personality.
Tandaang may limang klase ang Kuneho o Rabbit base sa taglay niyang elemento at ito ay ang mga sumusunod:
Wood Rabbit o Kunehong Kahoy - silang mga isinilang noong 1975
Water Rabbit o Kunehong Tubig - silang mga isinilang noong 1963
Metal Rabbit o Kunehong Bakal - silang mga isinilang noong 1951 at 2011
Earth Rabbit o ang Kunehong Lupa - silang mga isinilang noong 1939 at 1999
Fire Rabbit o ang Kunehong Apoy - silang mga isinilang noong 1927 at 1987
Noong nakaraang araw, nabigyan natin ng interpretasyon ang magiging sadlakang kapalaran ng Wood Rabbit, Water Rabbit at Metal Rabbit.
Sa pagkakataong ito, ang tatalakayin naman natin ay ang kapalaran ng Kunehong Lupa o Earth Rabbit.
Sinasabing ngayong 2020, tuluy-tuloy na gaganda ang career at kabuhayan ng Earth Rabbit, higit lalo kung patuloy kang makikinig sa mga advice o payo ng iyong mga kaibigan at mahal sa buhay. Ang pagdedesisyon mag-isa, higit lalo kung may kaugnayan sa salapi ay hindi inirerekomenda dahil may babala na muli kang malulugi.
Kung sakaling maglalabas ng malaking halaga ng salapi, kumonsulta ka muna sa mga may karanasan kung saan mo man gagamitin ang nasabing pera. Sa ganitong paraan, tulad ng nasabi na, hindi ka kumikilos gamit ang sarili mong diskarte, sa halip ay tinitimbang mo ang opinyon ng mga eksperto, higit na mapapanuto ang kalagayang pampinansyal sa taong ito.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kung ikaw ay wala pang kasintahan ngayong Year of the Metal Rat, maraming oportunindad na mabubuksan at may matatamis na ugnayang mararanasan. Gayunman, magiging masarap sa simula ang lahat, pero may babala na sa wala rin mauuwi ang nasabing biglaan pero nakasasabik na relasyon.
Upang makaranas ng pangmatagalan at masayang relasyon, hindi dapat biglain ang damdamin, sa halip, hayaan mong mahinog nang husto ang inyong pagkakaibigan at kapag ganap n’yo nang naging kapalagayan ng loob ang isa’t isa, dapat n’yo nang pasukin ang seryoso at totohanang relasyon. Tandaang sa panahong ito ng iyong buhay, maraming biglaang ugnayang mabubuo na masarap lamang sa simula pero sa paghihiwalay din hahantong sa dakong huli.
Sa mga may asawa na at may karelasyon, asahan ninyong sa taong ito, bahagyang susubukin ng sari-saring hindi maintindihang suliranin ang inyong samahan, kaya kinakailangan ang mas malawak na pang-unawa at pagmamahal sa kasuyo. Oo, kailangang malagpasan ninyo ang lahat ng mga pagsubok dahil matapos ng mga suliraning ito, may pangako ng masaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon.
Sa pangkalahatan, sa larangan ng salapi at pagkakakitaan, magiging maalwan ang materyal na bagay sa gitnang bahagi hanggang sa huling hati ng taon. Ibig sabihin, ang pagkalugi sa mga unang buwan ng taon ay mababawi rin sa Nobyembre, hanggang sa unang hati ng 2021. Habang sa aspetong pang-emosyon, panatiliin ang pagiging matatag at maunawain sa kasuyo upang sa halip na masira ang relasyon, lalo pa itong tumibay, lumigaya nang husto at maging panghabambuhay na.
Sa kalagitnaan hanggang sa huling hati ng 2020, maraming mga hindi inaasahang suwerte ang darating, ngunit dapat na maging maagap ka at mapagmatiyag upang ang mga hindi inaasahan at biglaang suwerte ay agad mong mapitas bago ito tuluyang tangayin ng hangin at mapunta sa iba nilalalang.
Tandaang kahit maliit na oportunidad lamang ang dumating nang biglaan, hindi ka dapat magdalawang-isip pa. Sunggaban mo ito agad upang ang suwerte at magandang kapalaran ay makuha mo lahat para sa lalo pang ikauunlad at ikaliligaya ng iyong mga karanasan.
Itutuloy




Comments