top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Ituloy ang pagbabakuna sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19

  • Kuya Win Gatchalian
  • Apr 28, 2020
  • 2 min read

Sa kabila ng krisis na dulot ng COVID-19, mahalagang hakbang ang patuloy na pagsasagawa ng mga programa sa pagpapabakuna upang maprotektahan at mapangalagaan ang kalusugan ng mga sanggol at kabataan.

Ngayong World Immunization Week, hinihimok ng inyong lingkod ang mga local government units (LGUs), lalo na ang mga barangay na ipagpatuloy ang pagbibigay ng mga bakuna.

Nakakulungkot na patuloy ang pagbaba ng immunization rate sa bansa noong nagdaang mga taon. Mula sa 88 porsiyento noong 2013, bumaba pa sa 73 porsiyento na lamang noong 2018 ang immunization rate sa atin. Marami raw kasing natatakot sa bakuna. ‘Yung iba naman, nasa malalayong lugar at walang malapit na health center na puwedeng puntahan. Isa pang problema ang kakulangan sa trained workers.

Noong 2019, iniulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na 2.9 milyong mga batang Pilipino ang walang bakuna at nanganganib na magkaroon ng malulubha at nakamamatay na sakit. Kung matatandaan natin, nagkaroon ng polio at measles outbreak sa Pilipinas noong nakaraang taon.

Ayon sa Department Circular 2020-0167 ng Department of Health (DOH), kailangang ipagpatuloy ang pagbibigay ng mga pangunahing bakuna sa mga bagong panganak hanggang isang taong gulang na mga sanggol. Dahil dito, nais nating bigyang diin ang kahalagahan ng papel ng mga health centers sa barangay upang masigurong mas maraming sanggol ang makatatanggap ng bakuna.

Sa ilalim ng Republic Act 10152 o ang Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011, ang mga pampublikong ospital at mga barangay health center ay dapat magbigay ng libreng bakuna para sa mga batang limang taong gulang pababa. Mandato naman ng Expanded Program on Immunization (EPI) ang pagkakaroon sa bawat barangay ng kanilang eksperto para maipatupad ang Reaching Every Barangay (REB) strategy. Para sa kaalaman ng lahat, layunin ng REB strategy na bigyan ng bakuna ang bawat sanggol, lalo na iyong mga nasa malalayong lugar.

Dahil hindi pa maaaring magsagawa ng malakihang pagbabakuna sanhi ng kasalukuyang kondisyon ng bansa, bakit hindi natin idaan sa mobile services o outreach activities—kung saan ang mga health workers ang pupunta sa mismong mga komunidad at mga bata na nangangailangan ng bakuna? Ang mahalaga, kailangan natin itong gawin sa isang ligtas at mabisang paraan, lalo na at patuloy ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Nakikiusap tayo, huwag nating balewalain ang programa sa pagpapabakuna ngayong panahon ng lockdown.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page