top of page

Worried sa nanunuyo at nangangating balat ng kanyang anak

  • Shane Ludovice
  • Apr 26, 2020
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Nagkaroon ng mga butlig sa binti hanggang singit ang aking 3 years old na anak. Ang sabi ng kapatid ko ay eczema raw ito. Sa ngayon ay hindi ko siya mapa-check gawa ng enhance community quarantine. Ano ang dapat kong gawin kasi nagsusugat na ito dahil nakakamot niya? – Delfa

Sagot

Ang pangunahing sintomas ng eczema ay nanunuyo at makating balat. Mabilis itong magsugat at mapula ang paligid ng bukul-bukol na rashes.

Makikita ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan, depende sa edad. Sa mga sanggol at batang hanggang dalawang taong gulang, karaniwang nasa anit, ulo at mukha, partikular sa pisngi. Nagkakaroon din sila sa mga tuhod, siko at braso.

Sa mga mas batang tatlong taon pataas, makikita ito sa leeg, binti, sakong at singit tulad ng alak-alakan. Sa mga mas matatanda, ang mga rashes ay kadalasang nasa leeg, mga siko, tuhod at binti.

Narito ang tatlong uri nito—atopic, infantile at dermatitis:

Ang atopic ay sanhi ng allergies sa pagkain o ibang mga bagay sa kapaligiran. Ito rin ay namamana o nasa dugo. Tuyung-tuyo ang balat, sobrang kati at mapula, at kapag kinamot ay tuluyan nang bubuka at magsusugat.

Ang infantile seborrhoeic eczema o kilala sa tawag na cradle cap naman ay makikitaan ng magaspang at maaligasgas na balat, ngunit hindi gaanong makati. Naaalis ito sa pamamagitan ng paglalagay ng baby oil o olive oil at pagsuklay ng ulot at buhok ng sanggol, pagkatapos ay paghuhugas nito ng may shampoo o sabon.

Ang Allergic Contact Dermatitis ay sanhi ng pagkairita sa mga lotion, sabong panligo o panlaba, at pagkain.

Iwasang kamutin ang eczema upang hindi lumala ang kondisyon sapagkat kapag kinamot ito ay napupunit ng kuko ang balat at nagsusugat, namamaga, nagkakaimpeksiyon at lalo pang mangangati.

Ano ang maaaring gawin?

Dahil sa sobrang pagkatuyo ng balat, moisturizer at hydration ang solusyon dito. Uminom palagi ng tubig at kumain ng pagkaing sagana sa fatty acids.

Magpahid ng moisturizer tuwing makararamdam ng pangangati. Maglagay ng moisturizer pagkaligo, habang medyo basa pa ang balat, para ma-absorb ng balat ang bisa ng moisturizer.

Iwasan ang mga scented na lotion o cream. Para sa mga bata, nariyan ang mga produktong may sabon at moisturizer para sa sensitibong balat ni baby.

Basahin ding mabuti ang nilalaman o ingredient ng sabong panlaba na gamit sa damit.

May mga bio-safe at allergen-free nang mga sabon para sa mga sensitibong balat, lalo na sa bata. Pati ang mga fabric softeners at dryer sheets ay dapat iwasan dahil matapang ang sangkap nitong kemikal. Idagdag pa ang mga shampoo at ibang panglinis tulad ng sabong panghugas ng pinggan. Napapaligiran tayo ng allergen kaya’t dapat ay usisain itong mabuti.

Walang gamot na lubusang makakapagpagaling sa eczema, ngunit may mga paraan para maibsan ang pangangati at pagsusugat. Mahalagang kumunsulta agad sa doktor upang mabigyan ng mga topical cream at ointment para maibsan ang pangangati at pamamaga at magamot ang pagsusugat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page