Mga manraraket, nagpapanggap na mga pilantropo sa panahon ng krisis!
- Pabs Hernandez III
- Apr 26, 2020
- 1 min read
MGA MANRARAKET, NAGLITAWAN PARA KUMITA SA SOCIAL MEDIA—May mga manraraket na sinasamantala ang kahirapang dinaranas ng ating mga kababayan dulot ng lockdown.
Ang modus nila ay mag-post sa social media na sila ay namimigay ng bigas, gatas, relief goods at kung gustong makatanggap ng tulong ay mag-subscribe lang sa kanilang YouTube channel.
Para sa kaalaman ng publiko, nagpapanggap lang na pilantropo ang mga ‘yan, dahil ang tunay na layunin nila ay magkaroon ng napakaraming followers upang kumita sila ng milyones sa YouTube, period!
◘◘◘
YORME ISKO, PANG-4 LANG SA RATING—Sa inilabas na survey ng Publicu Asia Inc. tungkol sa pagtugon ng mga alkalde sa Metro Manila sa paglaban sa coronavirus at pangangailangan ng kanilang mga constituents ay nanguna si Pasig City Mayor Vico Sotto (84.74%), Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian (81.25%), Marikina City Mayor Marcy Teodoro (80%) at Manila Mayor Isko Moreno (73.19%).
Siguro, ang masama ang loob ng mga supporters ni Mayor Isko kasi ang dami na niyang ginawang pagpapabida tapos pang-number 4 lang siya, ngek!
◘◘◘
BALIK-PROBINSIYA NI SEN. BONG GO, SUPORTAHAN—Sa tingin natin ay mainam ang mungkahing balik-probinsya ni Sen. Bong Go.
Layunin nito na himukin ang malalaking kapitalista na magtayo rin ng mga negosyo sa mga probinsiya upang ang mga probinsiyano na nagtatrabaho sa Metro Manila ay mag-uwian na para sa kanilang lalawigan na magtrabaho.
Kapag nangyari ang mungkahing ‘yan ni Sen. Go, mababawasan na ang populasyon ng Metro Manila, uunlad pa ang mga probinsiya, period!





Comments