Howie, umaming takot na takot na muntik nang mamatay dahil sa COVID-19
- Nitz Miralles
- Apr 26, 2020
- 3 min read
Nitz Miralles / Bida
May pangako si JC Santos sa kanyang two-month-old baby girl na “As soon as the mall opens, I promise I will buy you a dress. Para 'di ka na mapagkamalang boy.”
Pero, bago ang pangako sa anak, binati muna ito ni JC ng… “Happy 2nd month to my funny little cream puff.”
Parang kailan lang nang aminin ni JC na kasal na siya kay Shyleena Herrera at buntis ang asawa. Kasunod noon, ang balitang nanganak na si misis, isang baby girl na pinangalanan nilang River Alethia na ngayon ay dalawang buwan na.
Pang-baby boy siguro ang mga naihandang damit nina JC at Shyleena, kaya pangako nito, ibibili ng damit-pambabae ang baby nila.
In fairness kay JC, ipinakita na ang mukha ng baby nila ni Shyleena, kaya hindi na mag-iisip ang mga netizens kung sino ang kamukha ng bata.
♥♥♥
Howie, umaming takot na takot na muntik nang mamatay dahil sa COVID-19

Magandang basahin ang post ni Howie Severino na pinasalamatan ang asawang si Ipat Luna sa tatag at pagmamahal na ipinadama sa kanya noong nasa ospital siya dahil sa Covid-19.
Ang laman ng post niya…
“I MARRIED THE RIGHT PERSON.
Mahal na mahal kita, Ipat Luna.
Si Ipat, matatag ‘yan. She was always in control. She was calm, and that was what I needed. Sobra akong natatakot... natatakot akong mamamatay nang hindi makita ‘yung pamilya ko.
It might’ve been third night ko sa ospital na sobrang bumagsak ‘yung katawan ko. Hindi ako makatulog. Hindi ako makakain. Nagdedeliryo na ako. Kung anu-ano na naiisip ko. I really thought I was going to die. But Ipat walked me through some meditation exercises na nakatulong sa akin mag-relax at makatulog. Tinatapatan niya ‘yung lungkot ko nang pagiging upbeat. She was confident na magsu-survive ako.
Kapag bagong kasal ka, you think worst-case scenario, mag-aaway lang kayo. In this case, I was really saying goodbye. We started talking about the early days of our relationship, ‘yung hindi pa kami kasal, boyfriend-girlfriend pa lang. ‘Yung time na nililigawan ko siya sa UP campus. Doon ako nag-propose sa kanya.
We never had that kind of conversation before where we relived the granular details of our early relationship. It just felt good. Sabi ko, if I’m going to exit, at least I relived these very happy moments with the person that means more to me than anyone else. If I’m going to go, okay na rin ‘to kahit wala siya sa tabi ko. Natanggap ko na na mawawala na ako. I made a will. Nagpaalam na ako sa kanya. I was ready to go, but Ipat brought me back. She brought me back from the brink and I’m just very grateful that I married the right person.”
♥♥♥
Lani, natutong mag-ayos ng aircon dahil sa lockdown
'Kaaliw ang post ni Lani Misalucha ng before and after quarantine photos niya dahil ‘yung after quarantine ay matanda na siya.
Sabi ni Lani, at least, alam na niya ang magiging hitsura niya kapag na-lift na ang quarantine, na para bang gusto niyang sabihing magtatagal pa ito at tatanda na siya.
Speaking of Lani, may bago siyang title, ang "Home Repair Diva" dahil ngayong naka-home quarantine siya, nadiskubre niyang marunong siyang mag-repair ng appliances sa nire-rent na condo unit. Marami raw siyang napansin na kagamitan sa kanilang condo na kailangang ayusin at dahil walang gagawa, sila na ng asawang si Noli ang nagkukumpuni.
“Kapag ganyan pala, kahit maliit lang ang lugar mo, puwede ka pa rin palang makakita ng puwedeng gawin,” sabi ni Lani sa isang interview.
Na-repair na nilang mag-asawa ang air-conditioner at dahil matagal-tagal pa ang ECQ, marami pa silang maaayos na kagamitan. Kapag napagod na, puwedeng manood muna siya ng Korean dramas na kanyang kinahihiligan.
Anyway, kasama pa rin si Lani sa Season 3 ng The Clash bilang judge with Ai Ai delas Alas and Christian Bautista. Mali ang balitang binawi na siya ng ABS-CBN dahil tatayo pa rin siyang judge sa GMA-7 show.
Open pa rin ang online auditions ng The Clash na nagsimula last April 4 at aabot hanggang June 28, 2020. Pumunta lang sa official website ng GMA o Facebook Messenger ng The Clash.
♥♥♥
Ogie, all-around katulong ni Regine
Pinag-usapan ang P1 M donation ni Sharon Cuneta sa Bantay Bata ng ABS-CBN na ibinigay sa pamamagitan ng online birthday concert ni Regine Velasquez na One Night with Regine kagabi (April 25).
Wala pang nababanggit si Regine tungkol dito, hintayin natin ang pasasalamat niya kay Sharon na “Nana” ang tawag sa kanya.
Pinasalamatan ni Regine si Ogie Alcasid na malaki ang naitulong sa kanyang online
birthday concert.
“Asawa ko, abala kagabi, siya (ang) cameraman, siya (ang) production person, director, sound man, production assistant, hairdresser, makeup artist, ngayon, chef naman.
"Baba, perfect ka na talaga,” sey pa ni Regine patungkol kay Ogie.





Comments