Pagbubukas ng mall, pinayagan para sa pangangailangan at hindi para gawing tambayan
- Ryan B. Sison
- Apr 25, 2020
- 2 min read

Dahil nananatiling mataas ang COVID-19 cases sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON, inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, kahapon, Abril 24, Biyernes, na muling palalawigin ang enhanced community quarantine sa mga lugar na ito hanggang Mayo 15.
Gayunman, habang “extended” ang ECQ sa nabanggit na lugar, may mga lalawigan at lugar namang isasailalim sa general community quarantine o GCQ.
Isasailalim ng GCQ ang mga lalawigan at lugar na may “moderate-and-low-risk” sa pagkalat ng COVID-19. Alinsunod sa GCQ, babawasan ang paghihigpit sa ilang quarantine rules at papayagang magbukas ang mga non-leisure shops sa mall mula Mayo 1.
Gayunman, nagtakda ng kondisyon ang pamahalaan sa pagbubukas ng mga mall kung saan ipatutupad ang GCQ at kabilang na rito ang pagbabawal na gawing tambayan ang mga ito.
Bagama’t, ilang bahagi ng mall ang papayagang magbukas, dapat ding nasa 26 Celsius lang ang temperatura sa mga mall, gayundin, walang libreng WiFi.
Ilan sa mga papayagang magbukas ay ang supermarket, drugstore, bangko, laundry services, hardware store at takeout and delivery services para sa mga restoran.
Gayundin, nasan edad 21 hanggang 59 lang ang papayagang pumasok sa mall, may dalang ID, naka-facemask, may dalang alcohol at sasailalim sa temperature check.
Inaatasan naman ang mga mall operator na magbigay ng gloves at masks sa kanilang mga tauhan.
Naging malinaw naman ang mga panuntunan na ibinigay ng pamahalaan kaya sana, wala nang lumabag at magdadahilan na hindi alam ang quarantine rules.
Pinayagang magbukas ang mga mall para matugunan ang iba pang pangangailangan ng mga tao at hindi para lang sa pag-iistambay ninyo.
Ang pagbabawas ng paghihigpit sa ilang quarantine rules sa mga lugar na isasailalim sa GCQ ay ginawa dahil nakikitang mababa ang risk o panganib na kumalat ang virus, pero dapat ay maging maingat pa rin tayo.
Panawagan sa mga awtoridad, kung may mga pasaway pa rin na lalabag, turuan niyo sila ng leksiyon at para madala at ‘wag magpagala-gala.
Paalala sa publiko, kailangan pa rin natin ng ibayong pang-iingat at pagsunod sa mga awtoridad dahil lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng nakararami.
Tandaan, hindi nakikita ang deadly virus na ito kaya sama-sama nating pairalin ang ating disiplina para manalo sa laban na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments