Pagdami ng populasyon, isa sa mga dapat paghandaan pagtapos ng COVID-19
- Sr. Socrates Magnus II
- Apr 24, 2020
- 2 min read
Bigyang-daan natin ang ilang kaalaman tungkol sa mga pagbabago pagtapos ng COVID-19.
Hindi pa tapos ang lockdown at ayon sa balita, puwede pa itong magtagal dahil may mga siyudad at bayan na hindi pa kontrolado ang pagdami ng mga nabiktima ng COVID-19.
Sa ibang lugar, maiksi lang ang utos na pananatili sa bahay at sabi pa nga ng marami, okey pala ang ganu’n dahil sa haba ng panahon na abala sila sa trabaho at negosyo, ngayon nila nakasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.
Kaya kasama sa magiging pagbabago pagkatapos ng pandemya ay ang pagpapahalaga ng mga subsob sa kanilang mga trabaho at negosyo ang madalas na pakikipag-bonding sa mga mahal sa buhay.
Ang ganitong katotohanan ay binibigyang-diin sa buong mundo kung saan ayon sa mga balita, nagkakaubusan na ng mga contraceptives. Kaya ayon sa World Health Organization (WHO), ang susunod na malaking problema ng mundo ay ang mabilis na pagdami ng populasyon dahil sa closeness ng mga nagmamahalan dahil ito ang naging resulta ng stay at home policy. Nakagugulat dahil maaaring umabot sa milyon ang mamatay sa COVID-19, pero doble pa rito ang mga isisilang dahil sa dami ng mag-asawa na nananatili sa bahay.
Gayundin, hihina ang mga fastfood na bentang-benta noon sa mga bata o matanda. Nakita rin naman natin na naging tambayan ng bayan ang mga fastfoods na lalong nagbigay ng malalaking kita sa negosyong ito.
Mababawasan na ang mga tatambay sa fastfoods dahil natanim sa kamalayan ng maraming Pinoy na ang COVID-19 ay naghahanap ng biktima sa malalamig na lugar tulad ng nasabi na sa mga fastfood, restoran, mga bahay at sasakyan na laging naka-aircon. Kumbaga, mabilis na kumakalat ang nasabing virus sa malalamig na lugar. Totoo man ito o hindi, muli, nakatanim na sa kamalayan ng mga Pinoy na ang biktima ng COVID-19 ay mayayaman na mga hindi sanay sa init.
Para naman sa mga may-kaya at mayayaman, pagkatapos ng COVID-19, sila ay bibili ng mga lupa sa mga probinsiya at ang kanilang numero-unong pipiliin ay ang farms kung saan sariwa ang hangin at may sikat ng araw at puwede silang makapag-ehersisyo, gayundin, ang mga pagkain ay sariwa na hindi tulad sa siyudad na ang uso ay processed food.
Dahil dito, mababawasan ang populasyon sa Metro Manila dahil bukod sa marami ang namatay sa COVID-19, ang mayayaman ay mangunguna sa paninirahan sa mga probinsiya. Ang isa pang magandang epekto ng COVID-19 ay nutrisyon kung saan isasabuhay ng mga tao ang paulit-ulit na sinasabing kumain ng mga masusustansiyang pagkain.
Kaya kahit muling sumikat ang mga sardinas, delata at instant noodles dahil ito ang regular na makikita na ipinamimigay, aayawan na ito ng mga tao dahil sa nasabing mga pagbabago, ang lahat ay magsisikap na kumain ng masustansiyang pagkain na magpapalakas ng kanilang immune system.
Itutuloy




Comments