Love life ng mga Wood Rabbit, dapat magkaroon ng bagong gimik para tumibay at ‘di mauwi sa hiwalayan
- Maestro Honorio Ong
- Apr 23, 2020
- 3 min read

Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa magiging kapalaran ng 12 animal signs ngayong Year of the Metal Rat.
Sa pagkakataong ito, ang tatalakayin natin ay ang ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho.
Tandaang may limang klase ang Kuneho o Rabbit base sa taglay niyang elemento at ito ay ang mga sumusunod:
Wood Rabbit o Kunehong Kahoy - silang mga isinilang noong 1975
Water Rabbit o Kunehong Tubig - silang mga isinilang noong 1963
Metal Rabbit o Kunehong Bakal - silang mga isinilang noong 1951 at 2011
Earth Rabbit o ang Kunehong Lupa - silang mga isinilang noong 1939 at 1999
Fire Rabbit o ang Kunehong Apoy - silang mga isinilang noong 1927 at 1987
Sa pagkakataong ito, ang Kunehong Kahoy o Wood Rabbit ang ating tatalakayin. Kung ikaw ay isinilang noong taong 1975, humigit-kumulang ay ganito ang iyong magiging kapalaran ngayong 2020.
Sinasabing kung walang magtutulak, pupuri at mag-a-appreciate sa mga iniisip, pinaplano at ginagawa ng Wood Rabbit, hindi gaanong uusad sa pag-unlad at pag-asenso ang kanyang career. Para sa Wood Rabbit, upang mag-boost o lumakas nang husto ang kanyang tagumpay, suwerte at magandang kapalaran, dapat may pumupuri, humahanga, nagtutulak at pumapansin sa kanya. Sapagkat ang mga ganu’ng papuri at pagkilala ang gustung-gusto niya upang magsikap at lalong magpakahusay sa anumang kanyang ginagawa.
Kabaligtaran nito, bawal na bawal naman sa isang Wood Rabbit na pinupulaan at pinipintasan dahil kapag ganito ang sitwasyon, mabilis na lumalaylay ang balikat niya hanggang sa takasan na siya ng lakas at galing. Ibig sabihin, kapag palagi mong inaasar, pinipintasan at sinisisi ang tulad niya, walang ibang paglalagyan ang kanyang career at buhay kundi ang labis na lungkot at kabiguan.
Kaya naman kung ikaw ay may kaibigan, asawa o karelasyon na Wood Rabbit, kung gusto mo siyang magtagumpay sa kanyang career at patuloy na maging achievers anuman ang misyon niya sa buhay, wala kang dapat gawin kundi i-build-up ang kanyang galing at personality. Kapag ganu’n ka at ang iyong strategy, mabubuo ang napakahusay na Wood Rabbit.
Dagdag pa rito, sinasabi ring maraming mga pagsubok at alalahanin ang darating sa buhay ng Wood Rabbit, kaya sa panahong ito ng kanyang buhay, sadyang napakahalaga ng pagiging matatag. Dahil may pangako na matapos ang magulo at maraming problemang mangyayari ngayong 2020, kung mananatiling matatag at lumalaban sa bawat hamon ng buhay ang Wood Rabbit, sa bandang huli ay may malaking premyo o gantimpalang nakalaan sa kanya kung saan dahil sa sobrang ganda at laki ay hindi niya mapaniniwalaan kung paano napunta sa kanya ang malalaki at dambuhalang suwerteng nabanggit.
Dahil sinasabing kung bulto o maraming kabiguan at kasawian ang mararanasan ng Wood Rabbit ngayong 2020, pagkatapos ng mga negatibong pangyayari at sitwasyon, agad-agad ay ang bultu-bultong suwerte at magagandang kapalarang magdudulot ng doble-dobleng pag-unlad at ligaya sa Wood Rabbit sa huling quarter ng 2020.
Sa aspetong pinansiyal, career at pangkabuhayan sinasabing ngayong 2020, hindi dapat gumastos nang malaki ang Wood Rabbit dahil may babala na sa panahong ito ng pandemya na dulot ng Covid-19, maaaring masimot o maubos ang kabuhayan at kayamanan niya. Kaya anuman ang kalagayan o katayuan mo sa buhay, sa career at pagnenegosyo man, ang pagtitipid at paghihigpit ng sinturon ay dapat mong gawing prayoridad at kasabay nito, ingatan mo ang iyong kabuhayan upang hindi maubos ang iyong savings.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa umpisa ay sadyang magiging masaya at romantic ang ugnayan sa iyong karelasyon, subalit may babala na habang tumatagal, kapag hindi mo nilagyan ng bagong kulay o sangkap ang inyong relasyon o samahan, maaaring ito ay magkaroon ng maliliit na probema na lalaki nang lalaki hanggang sa mauwi sa pansamantalang paghihiwalay. Kaya tulad ng nasabi na, upang mapanatili ang masaya at panghabambuhay na relasyon, dapat araw-araw ay may bagong gimmick o sangkap ang inyong paglalambingan at romansa.
Tandaang sa pamamagitan ng mga bagong diskarte at bagay na ihahalo sa relasyon, maiiwasan ang pagka-inip at pagka-boring. Sa ganitong paraan, kahit laganap ang Covid-19 sa ating paligid, mabubuo at mapananatili ang napakaligaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon para sa Wood Rabbit.
Itutuloy




Comments