Sa UK, na-develop na vaccine vs. COVID-19, isusubok na bukas
- Lolet Abania
- Apr 22, 2020
- 1 min read

LONDON – Inanunsiyo ng gobyerno ng UK ang ibinigay na bagong pondo para sa dalawang British groups upang makadiskubre ng bakuna na panlaban sa novel coronavirus, kung saan ang isa rito ay magsisimula nang isubok sa tao sa Abril 23.
Sa pahayag ng nasabing pamahalaan sa coronavirus news conference, nagkaloob si Britain’s Health Secretary Matt Hancock ng $51 million sa research groups sa Imperial College at ang isa ay sa Oxford University. Ayon sa kanya, ang proyekto sa Oxford University, na pinangunahan ni professor Sarah Gilbert, ay sisimulan na ang testing sa mga volunteers bukas.
“In normal times, reaching this stage would take years,” sabi ni Hancock.
Sa tweet ng faculty sa medisina ng Imperial College, naghahanap sila ng volunteers edad 18-55 at in-good health upang maging partisipante sa gagawing vaccine trial, kung saan bawat isa ay babayaran ng $755.
Samantala, ang research teams ng United Kingdom, ang dalawa sa maraming walang humpay na naghahanap ng gamot kontra virus sa buong mundo. Sa United States, ang kumpanya tulad ng Moderna at Inovio ay nagde-develop at nagte-test ng vaccines.
Noong mid-January pa sinimulan ni Gilbert at grupo ng Jenner Institute sa Oxford ang pagbuo ng vaccine. Subalit nasabi noon ni Gilbert na made-develop nila at magiging handa ito sa Setyembre.
Gayundin, ayon sa mga eksperto kahit na matagumpay na ang vaccine, aabutin ng buwan bago maipamahagi sa mga tao.
Ayon pa kay Hancock, ang paghahanap ng bakuna ay “the top priority” at “there’s a huge amount still to do” para sa British government.





Comments