OFWs sa Italy, tulung-tulong para matustusan ang pamumuhay kahit may lockdown
- Ryan B. Sison
- Apr 22, 2020
- 2 min read

Maraming bansa sa iba’t ibang panig ng mundo ang nakararanas ng malaking epekto ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
May mga bansang mabilis na nakontrol ang pagkalat nito, habang meron namang patuloy na nahihirapan kaya walang choice ang pamahalaan kundi ipagpatuloy ang pagpapatupad ng lockdown upang bumagal ang pagkalat ng virus.
Dahil dito, hindi lang mamamayan sa mga bansang naka-lockdown, partikular sa Italy, ang apektado kundi pati na rin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa pagtigil ng kanilang hanapbuhay, patuloy pa rin ang kanilang gastusin para sa pangangailangan.
Gayunman, sa kabila ng hamon na matustusan ang personal na pangangailangan at mapadalhan ang pamilya sa Pilipinas, buhay na buhay ang bayanihan ng mga Pinoy sa Italy.
Ilang OFW doon ang nagre-repack ng relief goods at inihahatid sa kanilang mga kababayan na hindi makalabas ng bahay at apektado ang hanapbuhay dahil sa umiiral na lockdown.
Ayon sa isang OFW, mahigit isang buwan at kalahati nang naka-lockdown ang Italy at maraming hindi makapagtrabaho. Gayundin, katuwang niya sa repacking at paghahatid ng relief goods ang ilang kapwa Pinoy.
Batay sa ulat, ilan sa mga produktong ipinamamahagi ng mga ito ay donasyon ng ilang kababayan na nakaluluwag sa buhay habang ang iba naman ay ayuda ng pamahalaan.
Kuwento ng OFW, nahihirapan ang gobyerno roon sa paghatid ng mga tulong kaya naisipan niyang kontakin ang munisipyo at binigyan sila ng goods kaya naipamahagi ang mga ito sa kababayan.
Sa totoo lang, masarap isipin na kahit pare-parehong apektado ng lockdown ang mga kababayan natin ay nagagawa nilang tumulong sa isa’t isa. Tipong kahit mahirap at may panganib, handa silang harapin ito para makatulong sa kababayan.
Patunay ito na anumang pagsubok o krisis ang dumating, nasa Pilipinas man o wala, hinding-hindi nawawala ang bayanihan at pusong Pinoy.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments