Para magkaalaman, apela sa DSWD... Pangalan ng mga nabigyan ng P5K-P8K, ilabas
- Lourdes Abenales
- Apr 19, 2020
- 1 min read

Upang magkaroon ng transparency, umapela si Senate President Vicente 'Tito' Sotto III sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na i-upload sa kanilang website ang pangalan ng mga nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash aid sa ilalim ng Special Amelioration Program.
“Marami tayong naririnig na reklamo na hindi umano natanggap ng mga taong dapat ay kuwalipikadong makakuha ng cash assistance na pinayagan ng Kongreso sa ilalim ng Bayanihan Act. Kaya ang tanong natin ngayon, sino-sino na ba ang nabigyan ng gobyerno? Bakit marami ang nagrereklamong hanggang ngayon ay hindi pa nila nakukuha ang ayuda na nakasaad sa batas?” ani
Sotto.
Ipinunto ni Sotto na nakukulangan din siya sa detalye ng latest report na isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongeso kung saan binanggit lamang ang pagpapalabas ng pondo ng DSWD na P80 bilyon sa P100 bilyon na nakalaan para sa SAP sa buwan ng April.
“Nakukulangan ako sa report, hindi kumpleto. Kailangang malinaw sa aming mga mambabatas at sa publiko kung paano ibinahagi itong perang ito. Kulang sa detalye ang ipinasang report sa Kongreso,” ani Sotto.
Ayon sa senador bukod sa transparency, mas matutukoy ng mga mambabatas ang mga naging butas sa distribusyon ng cash aid ng DSWD.
Gayundin, kung nagkaroon ng pang-aabuso sa panig ng local at national social welfare executives na nagdetermina para sa mga kuwalipikadong beneficiaries.
“Sa panahon ng krisis, mahalagang siguruhin natin na hindi naaabuso ang sistema. Political patronage should be set aside during this difficult time. We should all work together to ensure that government is not hoodwinked by abusive leaders,” ani Sotto.





Comments