Sino ang dapat sumagot ng gastusin sa sira ng bahay kapag magkaiba ang nagmamay-ari ng bawat palapag
- Persida Acosta
- Apr 18, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Namana naming magkapatid ang dalawang palapag na bahay ng aming mga magulang. Napagpasyahan naming hatiin ang nasabing bahay dahil pareho kaming may sariling pamilya. Pinili ko ang pangalawang palapag at pinili niya ang unang palapag. Dahil sa enhance community quarantine ay nagkaroon ako ng pagkakataong inspeksiyunin ang nasabing bahay at nadiskubre ko na may sira ang bubungan nito. Binanggit ko ito sa aking kapatid ngunit tumanggi siyang mag-ambag sa magagastos dahil sa unang palapag daw siya nakatira. Tama ba ‘yun? – Merci
Dear Merci,
Ang inyong katanungan ay binigyang-linaw sa Article 490 ng New Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“Article 490. Whenever the different stories of a house belong to different owners, if the titles of ownership do not specify the terms under which they should contribute to the necessary expenses and there exist no agreement on the subject, the following rules shall be observed:
1. The main and party walls, the roof and the other things used in common, shall be preserved at the expense of all the owners in proportion to the value of the story belonging to each; xxx” (Binigyang-diin)
Sapagkat wala kayong nabanggit na kasunduan ninyong magkapatid hinggil sa hatian sa mga gastusin sa pagpapanatili ng nasabing bahay, malinaw na sinasabi ng ating batas na ang inyong kapatid, bilang may-ari ng unang palapag ay may obligasyong mag-ambag sa mga gastusin sa pagpapanatili ng bubong at iba pang mga bagay na kapwa ninyo ginagamit sa proporsyon ng halaga ng unang palapag.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa isang abogado.





Comments