Ex-MBA Player Huelar patay nang barilin sa basketball court
- A. Servinio
- Apr 17, 2020
- 1 min read

Binaril at napatay noong Hwebes ng hapon ang dating Basketball star na si Maui Huelar sa isang palaruan sa Barangay Villamonte, Bacolod City. Nakadamit panlaro na may numero 15 na pinasikat niya para sa Negros Slashers ng Metropolitan Basketball Association (MBA) mula 1998 hanggang 2001, na idineklarang agad nasawi ang matinik na point guard.
Hindi pa nakikilala ang mga salarin na tumakas sakay ng isang itim na kotse. Tinamaan si Huelar sa kanyang likod.
Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP), ang umano'y katiwalian nito bilang dating Kapitan ng Barangay 35 noong 2016. Siya ay saglit na nakulong at nakalaya noong 2018.
Binansagang “The Flying Fish”, si Huelar ang numero unong guwardiya ng Slashers na naglaro sa tatlong MBA National Finals noong 1998, 2000 at 2001. Ilan sa mga kanyang mga naging kakampi ay sina John Ferriols, Reynel Hugnatan, Leo Bat-og, Dorian Pena at Johnedel Cardel.
Pagkaretiro, nagsubok sa lokal na pulitika at nahalal bilang kapitan.
Bago maging propesyonal sa MBA, naglaro si Huelar sa kolehiyo para sa University of Saint La Salle at University of San Jose-Recoletos at sa ilang koponan sa Philippine Basketball League (PBL). Si Huelar ang ika-apat na Slasher na sumakabilang-buhay matapos sina DJ Dejarlo, Jack Tanuan at Vincent San Diego.





Comments