Sa Germany, mga hayop sa zoo kakatayin para ipakain sa kapwa-hayop
- Lolet Abania
- Apr 16, 2020
- 2 min read

GERMANY – Nanganganib ang ibang hayop sa isang German zoo kung patuloy na ipatutupad ang lockdown sa bansang ito.
Dahil sa pagsasara ng maraming establisimyento, kasama na ang Neumunster Zoo, wala nang pumapasok na kita sa private zoo na ito. Nahihirapan din ang may-aring humanap ng pagkukunan ng suporta sa mga empleyado at kung paano mapapakain ang lahat ng mga hayop na naroroon.
“We’ve listed the animals we’ll have to slaughter first,” sabi ni Verena Kaspari, director ng Neumunster Zoo. Ito ang planong gawin sa mga hayop doon sakaling lumala pa ang sitwasyon sa kanilang lugar. Balak na katayin na lamang ang mapipiling hayop at ipapakain sa kapwa niya hayop.
Gayundin ang nais gawin ng ibang nagmamay-ari ng zoo, subalit marami sa kasamahan nila sa industriyang ito, ang ayaw nang pag-usapan pa ang tungkol dito, ayon kay Kaspari.
Gayunman, sa isang interview, nilinaw ni Kaspari na ang mga endangered species ay hindi nila papatayin. Ang mga hayop na hindi nanganganib sa extinction o mauubos at pinagkukunan rin ng karne na kinakain ng mga tao ang kanilang unang kakatayin.
Simula nang isara sa mga tao ang zoo noong Marso, umaasa na lamang sila sa maliliit na donasyon mula sa mga bata at retirement homes. Tuwing Easter, tipikal na pinakaabala ang mga zoo sa Germany subalit, dahil sa lockdown wala na silang kita mula sa gate fees o concessions kaya marami doon ang nagtitiis na lamang.
Samantala, humingi na ng tulong ang Germany’s zoo association sa kanilang gobyerno ng pondo na humigit-kumulang sa 100 million euros ($109 million) para mapunan ang mga pagkukulang sa zoo industry dahil sa kinakailangan pa ring pakainin ang mga hayop sa zoo at ang mga caretakers ay dapat bayaran.
“Even in these times, the lions need their daily portion of meat, the tapirs their alfalfa hay, and each seal eats three to four kilograms of fish a day,” ayon kay Mirko Thiel, tagapangasiwa ng pinakamalaking zoo sa state ng Rhineland-Palatinate.
Comments