top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Gastusin sa cremation ng mga namatay sa COVID-19, sagutin sana ng gobyerno

  • Nancy Binay
  • Apr 16, 2020
  • 2 min read

Nananawagan tayo sa pamahalaan na sagutin na lamang ang gastusin sa pagpapa-cremate ng mga labi ng mga biktima ng COVID-19.

Isang dahilan kaya marami ang mga labing hindi nailalabas sa mga ospital ay ang kawalan ng kakayahan ng mga pamilya na tumubos at bayaran ang punerarya para sa cremation.

Sana ay maglaan ang pamahalaan ng pondo na tutugon sa problemang ito na kinahaharap ng mga naghihirap nating kababayan.

☻☻☻

Nakalulungkot na walang magawa ang mga pamilyang namatayan dahil maliban sa kailangan nilang bayaran pa ang cremation, nawalan pa sila ng trabaho at ang mas mabigat ay nawalan sila ng mahal sa buhay.

Sa ilalim ng Revised Guidelines on Assistance in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), para sa burial assistance, kasama ang pag-ako ng kagawaran ng bahagi ng mga nagastos sa punerya at ibang mga gastusin at halagang P10, 000 ayuda sa naiwang pamilya na hindi kailangan pang magsumite ng case study report.

☻☻☻

Sa sitwasyon natin ngayon, malaki ang maitutulong sa mga naulilang pamilya kung tataasan ang ayudang ibibigay.

Nais ko ring imungkahi na pumasok ang Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa isang Memorandum of Agreement sa National Federation of Mortuary Stakeholders.

Malaki ang maitutulong ng kasunduang ito sa pagsigurong maging maayos ang sistema ng pangangasiwa sa labi ng mga namatay dahil sa COVID-19, kasama na ang retrieval at cremation.

Public health risk ito kung hindi agad mareresolba, kaya kinakailangang pagtuunan ng pansin.

☻☻☻

Umaasa din tayong mahigpit na tutukan ng mga LGU ang mga crematorium at funeral parlors kung istriktong tumatalima sa mga patakarang inilatag ng IATF at DOH, at alamin kung magkano ang dapat na serbisyo para sa cremation.

Huwag naman sanang pagsamantalahan pa ng mga crematorium at puneraya ang nangyayaring pandemic para taasan ang singil sa mga pamilyang naulila dahil sa COVID-19.

☻☻☻

Paalala lamang sa lahat na manatiling sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.

Malalagpasan din natin ito.

Be Safe. Be Well. Be Nice!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page