Namimili ng mga karne at gulay, sign na nagsasawa na sa ipinamimigay na relief goods
- Socrates Magnus
- Apr 15, 2020
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni SkyWhite na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na nasa market ako at namimili ng maraming karne ng baboy, manok, rekado at mga gulay. Magluluto ako, pero sa tunay na buhay ay hindi naman ako marunong magluto dahil ‘yung yaya ko ang tagaluto sa amin.
Pangarap ko ring magkaroon ako ng franchise ng malaking fast food chain. May kaugnayan ba ito sa katupara ng pangarap ko?
Naghihintay,
SkyWhite
Sa iyo SkyWhite,
Malaki ang tsansa na magkaroon ka ng franchise ng fast food chain dahil ikaw ay may pangarap at ang mga taong walang narating sa buhay ay mga taong walang pangarap. Kumbaga, ang unang requirement para masabing aasenso at magtatagumpay sa buhay ang indibidwal ay ang pagkakaroon ng pangarap.
Ang panaginip ay walang kaugnayan sa gusto mong magkaroon ng sariling fast food chain dahil ayon sa panaginip mo, ang mga pinamili mo ay hindi pang-fast food kundi mga pagkaing para sa feista o para sa mga okasyon.
Pero bakit mo ito napanaginipan? Ito ay dahil ang mga ipinamimigay ng gobyerno sa mga ay mga pagkain na hindi dapat madalas na kainin.
Kung ang mga doktor ang ating tatanungin, tiyak na sasabihin nila na huwag puro de-lata o instant noodles ang ipakain sa mga tao. Kaya lang, hindi siguro alam ng mga namimigay ng ganitong klase ng pagkain na hindi ito dapat kainin nang madalas.
Nakapagtataka dahil kahit madalas na nakikipag-usap ang mga taga-Department of Health (DOH) sa mga kinauukulan, hindi nila inaawat ang mga ito sa regular na pamimigay ng mga de-lata at instant noodles.
Pagkatapos ng problema sa COVID-19 at kapag maayos na ang takbo ng buhay, muli na naman nating maririnig sa mga doktor na ang noodles ay de-lata ay hindi magandang kainin.
Ito ang nakikitang dahilan kung bakit mo napanaginipan ang puwedeng ulamin, gayundin, sawang-sawa ka na sa mga kung anu-anong ipinamimigay ng gobyerno na alam mong hindi dapat kainin nang madalas.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments