Graduation rites, tagilid dahil sa COVID-19
- BULGAR

- Apr 15, 2020
- 1 min read
Isa sa mga naapektuhan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic ay ang sistema ng edukasyon.
Matatandaang, ikalawang linggo pa lamang ng Marso nang suspendihin ang pasok sa mga paaralan na nagpatuloy na sa kasalukuyan kung saan karamihan sa academics at school activities ay hindi na rin naituloy sa itinakdang mga araw nito.
Kaugnay nito, bunsod ng pagpapalawig sa enhanced community quarantine sa malaking bahagi ng bansa, sinuspinde na “indefinitely” ng Department of Education (DepEd) ang pagdaraos ng graduation rites para sa School Year 2019-2020.
Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng ECQ ang malakihang pagpupulong tulad graduation rites.
Pinayuhan naman ng DepEd ang pamunuan ng mga paaralan na sundin ang isinasaad sa Department Order 02.
Inaatasan nito ang mga eskuwelahan na magkaroon ng konsultasyon sa Parents-Teachers Association (PTA) leadership sa pag-reschedule o tuluyan nang hindi pagdaraos ng graduation rites.
Samantala, kung mapagpapasyahang ituloy ang nasabing kaganapan, dapat tiyaking masusunod ang mga health protocols ng Department of Health (DOH) tungkol sa mass gathering.
Nakapanghihinayang sapagkat isa ang graduation rites sa mga pinakahihintay na okasyon partikular ng mga magulang. Ngunit dahil sa isang hindi inaasang pagkakataon, tila alanganin pa itong mangyari.
Sa ngayon, manalangin at umasa tayong matatapos din ang pandemic upang makabawi sa mga susunod na pagkakataon.





Comments