Walang mabilhan, kape, suka, softdrinks at thinner pinaghalu-halo... 2 patay sa inimbentong alak
- Mylene Alfonso
- Apr 14, 2020
- 1 min read

Patay ang dalawa katao habang nasa kritikal na kondisyon sa Philippine General Hospital ang isa pa nilang kasama matapos na malason sa inihalong paint thinner sa homemade na alak na kanilang sinubukan gawin noong Linggo ng gabi sa Baseco Compound, Port Area, Manila.
Bandang alas-10:00 ng umaga nang makita si Rainer Mariano, 52, na walang malay habang si Quirino Lagrimas naman ay nakapagreklamo pa sa kanyang kapatid na hindi makakita at nakitang gumagapang sa kalsada pero doon na nawalan ng malay bago naisugod sa pagamutan ngunit wala na ring buhay.
Habang si Dande Corucoto, 40, construction worker ay nasa kritikal na kondisyon at inoobserbahan sa pagamutan.
Naganap umano ang insidente sa Block 9 sa Tambacan , Baseco Compound kung saan nakita ang isang bote ng Lesco Denatured Alcohol at isang pitsel.
Nalaman na kilala umanong manginginom sa lugar ang mga biktima at dahil walang mabilhang alak ay gumawa ng sarili nila kung saan pinaghalu-halo ang kape, suka at softdrinks.
Ilang araw na umano itong ginagawa ng tatlo hanggang noong Linggo ay naisip nilang haluan ng paint thinner ang iniinom na siyang dahilan para sila malason.
Ang paint thinner kapag nainom ay maaaring sirain ang atay, bato, baga, puso at nervous system ng isang tao.
Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section sa naturang insidente.





Comments