Pagiging choosy at mapangmaliit, ‘wag pairalin sa gitna ng COVID-19 pandemic
- Ryan B. Sison
- Apr 13, 2020
- 2 min read

Kaliwa’t kanang donation drive ang nagsulputan sa social media na ginagawa ng ilang netizens para makatulong sa mga kababayang higit na apektado ng enhanced community quarantine.
Kaya naman, marami ang nagpapasalamat dahil kahit halos lahat ay hirap na makaraos sa araw-araw, may mga mabubuti pa ring mamamayan na nagsisikap na tumulong kahit sa payak na pamamaraan.
Ito ay patunay na nangingibabaw ang pagiging matulungin ng mga Pinoy sa gitna ng krisis, ngunit paano kung ang tinulungan mo ay nanglait at hindi nakuntento?
Kaugnay nito, viral sa Facebook ang post ng netizen hinggil sa “choosy” na beneficiary ng kaunting donasyon.
Ang eksena, may netizen na nag-post sa FB group na naghahanap ng mga nanay na nahahanap ng milk donation para sa mga sanggol kaya naman maraming nag-message sa kanya.
Pero sa halip na magpasalamat ang isang ina, dismayado ito dahil hindi umano puwede sa anak niya ang gatas na kayang ibigay ng donor. Aniya, maselan ang beybi niya kaya humiling ito ng ibang brand ng gatas na mas mahal sa kayang ipamigay nito.
Paliwanag naman ng donor, hindi niya kayang bilhin ang nasabing brand ng gatas na hinihiling ng ina dahil tulad ng iba, simpleng mamamayan lang siya na gustong makatulong at imbes na unawain, nakatanggap siya ng masasamang salita mula sa taong gusto niyang tulungan. Sinabihan pa umano siya na peke ang tulong ibinibigay niya kaya dapat lang na magkaroon ng coronavirus ang donor.
As usual, umani ito ng batikos mula sa mga netizens, lalo na sa mga ina na higit na nangangailangan.
Nakakalungkot lang dahil kahit may mga simpleng mamamayan na handang tumulong sa maliit na paraan, masyado itong iniismol ng ilan. Tipong imbes na magpasalamat, masasamang salita pa ang ibinabalik. Tsk!
Hindi ito panahon para magpaka-choosy dahil alam natin kung gaano kahalaga ang anumang tulong na maibibigay sa atin.
Magsilbi sana itong aral na matuto tayong magpasalamat dahil hindi lahat ay nabibigyan ng mga bagay na natatanggap natin.
‘Ika nga, ang maliit na tulong para sa iba ay malaking bagay para sa mga marunong makuntento.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments